Paano ka nakikipag-usap sa Diyos?

Taong nananalangin

Kung ang isang bagay sa iyong buhay ay sapat na malaki upang alalahanin, ito ay sapat na malaki din upang ipanalangin. At, kapag tayo ay nananalangin, tayo ay nagkakaroon ng simple at patuloy na pakikipag-usap sa Diyos.

Lampasan ang mga hadlang na pumipigil sa iyong magpatuloy sa buhay pananalangin gamit ang mga kasangkapang ito.

Gabay sa Panalangin

​​Kung nais mong makipag-usap sa Diyos ngunit hindi mo
alam kung ano ang sasabihin, makakatulong ang Gabay sa Panalangin upang makapagsimula ka.

Simulan ang pakikipag-usap sa Diyos >

Gabay sa Panalangin

Listahan ng Panalangin

Higit pang lumapit sa Diyos at sa iyong pamayanan sa pamamagitan ng paglikha at pagbabahagi ng Mga Panalangin.

Lumikha ng Panalangin >

Listahan ng Panalangin

Mga Paalala sa Panalangin

Panatilihin ang pakikipag-usap sa Diyos gamit ang nakatakdang mga paalala.
 

Magtakda ng mga Paalala sa Panalanagin >

Mga Paalala sa Panalangin

6-Na Hakbang Para sa Gabay sa Panalangin

Bilang karagdagan sa mga tampok na ito, kami ay nagtipon ng mga gabay upang matulungan kang matutunan kung paano manalangin tulad ng huwaran na ibinigay ni Jesus sa Kanyang mga disipulo.

Matuto kung Paano ang Manalangin >


FacebookIbahagi sa Facebook

TwitterIbahagi sa Twitter

EmailIbahagi sa pamamagitan ng Email

Paano patuloy na mag-aral ng Biblia: 4 na mungkahi mula sa YouVersion

Taong nag-aaral ng Biblia

Ang pagsisimula ng bagong taon ay nagdadala ng maraming posibilidad, na ginagawa itong perpektong oras upang lumikha ng mga bagong gawi sa pagbabasa ng Biblia. Ngunit, ang mga kaabalahan, mga obligasyon sa pamilya, at magkasalungat na mga prayoridad ay maaaring gawing mahirap ang pag-aaral ng Kasulatan minsan.

Sa kabutihang palad, may mga hakbang na maaari mong gawin upang patuloy na basahin ang Salita ng Diyos.

Narito ang 4 na mungkahi para sa patuloy na pagbabasa ng Biblia na maaaring gawin sa YouVersion:

1. Gawing madaling tandaan

Ang pinakamadaling paraan upang lumikha ng isang bagong gawi ay sa pamamagitan ng pag-uugnay nito sa isang bagay na iyong palaging ginagawa. Kaya kung ang iyong unang ginagawa sa umaga ay ang pagkuha sa iyong telepono, subukang pagnilayan ang Bersikulo ng Araw ng YouVersion. Kapag iyong pinagsama ang isang bagong gawi sa isang nakasanayan na, nagbibigay ito sa iyong bagong gawi ng higit na “pananatili.”

Mungkahi: Gawin ang YouVersion na unang app na nakikita mo, at kumuha ng agarang pahintulot para sa Bersikulo ng Araw, sa pamamagitan ng pagpapagana sa widget ng Bersikulo ng Araw sa iyong telepono.

2. Gawin itong awtomatiko

Ang pinakamainam na paraan upang bumuo ng isang gawi ay ang magsimula lamang. At sa pagsisimula mo, huwag tumuon sa dami ng oras na ikaw ay nagbabasa o nakikinig sa Banal na Kasulatan, kundi tumuon lamang sa paggawa nito nang tuluy-tuloy. Kapag nakumpleto mo ang dalawang magkasunod na araw, gawin itong tatlo. Kapag nakumpleto mo na ang tatlong araw, subukan ang lima, at magpatuloy hanggang sa makabuo ka ng streak sa Biblia.

Kung nagsisimula kang bumuo ng isang tuloy-tuloy na gawi sa pagbabasa ng Biblia, pumili ng oras sa pag-aaral na angkop para sa iyo, at mag-set up ng mga pang-araw-araw na paalala upang maglaan ng oras sa Salita ng Diyos.

Mungkahi: Panatilihin ang iyong pagsulong sa pamamagitan ng pagtingin sa iyong streak sa Biblia sa iyong YouVersion Home Feed. Maaari ka ring mag-set up ng mga Paalala sa Gabay, Panalangin, at Bersikulo ng Araw dito.

3. Manatiling may ugnayan

Mas malamang na patuloy kang mag-aaral ng iyong Biblia kung ito ay gagawin mong kasama ng isang taong nagmamalasakit sa iyong espirituwal na pag-unlad.

Ang Mga Gabay Kasama ng mga Kaibigan ay nag-aalok ng isang simple, madaling paraan upang matiyak ang iyong patuloy na pagbubuo ng iyong gawi sa pag-aaral ng Biblia.

Mayroong libu-libong mga Gabay sa YouVersion, kaya’t pumili lamang ng Gabay na interesado ka, at simulan ito kasama ng Mga Kaibigan. Sa pagtatapos ng bawat araw ng Gabay, bibigyan ka ng puwang para makipag-chat sa iyong Mga Kaibigan tungkol sa iyong natuklasan.

Mungkahi: Maaari kang gumawa ng Gabay kasama ang sinuman! Magbahagi lang ng link ng Gabay sa social media, o magbahagi ng Gabay sa isang tao sa loob ng app. Magsimula sa pamamagitan ng pagpili ng Gabay, at sundin ang mga senyas upang imbitahan ang Mga Kaibigan na sumali sa iyo.

4. Gawin itong parang bago

Kung minsan, ang dahilan kung bakit tayo nananamlay sa pagbabasa ng Biblia ay dahil masyadong karaniwan ang ating ginagawa. Baguhin kung paano ka nakikipag-ugnayan sa Biblia.

Kung ikaw ay karaniwang nagbabasa ng Kasulatan, subukang makinig sa audio na Biblia. Kung ikaw ay kadalasang nag-aaral ng Banal na Kasulatan sa isang partikular na bersyon, lumipat sa ibang bersyon sa loob ng isang buwan at tingnan kung may bagay na bago para sa iyo. O di kaya, subukang magbasa sa ibang pagkakaayos upang makakuha ng isang bagong pananaw.

Mga Mungkahi: Upang mas madaling maihambing ang mga bersyon ng Biblia, i-tap ang isang bersikulo, at pagkatapos ay piliin ang lalabas na “Ihambing” na button. At, maaari ka nang makinig sa anumang bahagi ng Kasulatan na may audio na Biblia.


Ang paggawa sa Biblia na bahagi ng iyong pang-araw-araw na buhay ay hindi kailangang maging mahirap—at sa kabutihang palad, hindi natin kailangang gawin ito nang mag-isa. Gustung-gusto ng Diyos na sumama sa atin upang bigyan tayo ng lakas ng loob at kapangyarihan sa pamamagitan ng pagpapanibago at pagbabago ng ating isipan. Inihahayag Niya ang Kanyang sarili sa sinumang naghahanap sa Kanya.

Habang lalo mong binubuo ang iyong mga gawi, nagiging mas madaling kilalanin ang tinig ng Diyos at unawain kung ano talaga ang Kanyang kalooban.

Habang nananatili kang tapat sa palagiang pag-aaral ng Banal na Kasulatan, alalahanin na ang Diyos na lumikha sa iyo ang magpapangyari rin sa iyo na mapaglabanan ang humahadlang sa iyo, upang palagian kang makibahagi sa Kanyang buhay at aktibong Salita.

FacebookIbahagi sa Facebook

TwitterIbahagi sa Twitter

EmailIbahagi sa pamamagitan ng Email

Ano ang ibig sabihin ng pagiging isang Cristiano?

Taong nagdadasal sa harap ng isang lawa

Ngayong nagpasya kang sumunod kay Jesus … ano na ang susunod?

Lahat tayo ay may palagay kung paano ang pagsunod kay Jesus. Ngunit kung tayo ay magiging totoo sa ating mga sarili, ang ating mga pananaw ay madalas na naiimpluwensyahan ng ating mga pamantayan sa kultura, ng ating politika, ng ating pinagmulan, at kung ano ang kasalukuyang nangyayari sa paligid natin. Kung aalisin natin ang mga impluwensya sa labas, ano ba talaga ang magiging hitsura ng isang tagasunod ni Jesus?

Magbabago ang mga kultura at magbabago ang mga pamantayan, ngunit palaging ihahayag ng Salita ng Diyos kung ano ang ibig sabihin ng pagiging isang Cristiano.

Ngayon, ating suriin ang tatlong mga talata sa Biblia na makatutulong sa atin na maunawaan kung paano sumunod kay Jesus. Ang mga hakbang na ito ay hindi talagang isang kumpletong listahan, ngunit magbibigay ang mga ito ng isang pangkalahatang ideya ng kung ano ang ibig sabihin ng mamuhay tulad ni Jesus araw-araw.

Mahalin ang Diyos

“Guro, alin po ang pinakamahalagang utos sa Kautusan?” Sumagot si Jesus, “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong pag-iisip. Ito ang pinakamahalagang utos. Ito naman ang pangalawa: Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili. Sa dalawang utos na ito nakasalalay ang buong Kautusan ni Moises at ang katuruan ng mga propeta.”

MATEO 22:36-40

Ang talatang ito ay madalas na tinatawag na “Ang Pinakamahalagang Utos” dahil sa pamamagitan nito, malinaw na naibuod ni Jesus ang buong Batas sa Lumang Tipan. At lubusang naipakita ni Jesus ang utos na ito nang ibigay Niya ang Kanyang buhay para sa atin.

Ngunit bago tayo magpatuloy, mahalagang tandaan na ang utos na ito ay naglalaman ng tatlong bahagi: pagmamahal sa Diyos, pagmamahal sa iba, at pagmamahal sa iyong sarili. Ang mga pagkilos na ito ay magkakaugnay, at posible lamang kung hahayaan muna nating mahalin tayo ng Diyos. Kapag tinanggap natin ang pag-ibig ng Diyos sa atin, maaari na rin natin Siyang mahalin at hayaan Siyang baguhin ang pananaw natin sa ating mga sarili. At kapag natutunan nating makita ang ating sarili sa pananaw ng pag-ibig ng Diyos, nagsisimulang mahalin natin ang iba tulad ng pag-ibig sa atin ng Diyos. Kaya, kung nais nating sundin ang utos na ito, kailangan nating sundin ang halimbawa ni Jesus, at hanapin ang Diyos tulad ng ginawa ni Jesus:

Si Jesus ay sadyang gumugol ng panahong mapag-isa kasama ang Kanyang Ama, Siya ay nakikipag-usap sa Diyos palagi, at inuna Niya ang kalooban ng Diyos bago ang Kanyang sariling kagustuhan.

Para sa atin, ito ay maaaring paglalaan ng isang tukoy na oras bawat araw sa pag-aaral ng Salita ng Diyos at sa panalangin. Maaari nating dalhin ang lahat sa ating Ama sa langit. Maaari nating ibahagi ang ating mga damdamin sa Kanya, hilingin sa Kanya na mamagitan sa ating kalagayan, at ipagdiwang pa ang ating mga tagumpay kasama Siya. Maaari rin nating hilingin sa Kanya na ipakita sa atin kung paano tayo makakatulong na maihatid ang Kanyang kaharian sa mundo. Sa Diyos, walang hindi pwede — Nais niyang magkaroon ng oras kasama tayo.

Kapag inuuna natin ang pagkakaroon ng oras kasama Siya, mauunawaan natin kung sino Siya at kung ano ang nais Niya para sa atin. Binabago nito ang paraan kung paano natin mahalin ang ating sarili at ang ating kapwa.

At ang isa sa mga pinakamadaling paraan upang matutuhan kung paano magmahal ng iba ay suriin kung ano ang pag-ibig.


Mahalin ang kapwa

Ang pag-ibig ay matiyaga at magandang-loob, hindi maiinggitin, hindi mayabang ni mapagmataas man, hindi magaspang ang pag-uugali, hindi makasarili, hindi magagalitin, o mapagtanim sa kapwa. Hindi niya ikinatutuwa ang gawaing masama, ngunit ikinagagalak ang katotohanan. Ang pag-ibig ay mapagpatawad, mapagtiwala, puno ng pag-asa, at mapagtiis hanggang wakas. Matatapos ang kakayahang magpahayag ng salita ng Diyos, titigil rin ang kakayahang magsalita sa iba’t ibang mga wika, mawawala ang kaalaman, ngunit ang pag-ibig ay walang hanggan.

1 MGA TAGA-CORINTO 13:4-8

Ang talatang ito ay isang tanyag na kahulugan ng pag-ibig, ngunit tinutukoy din nito ang Diyos dahil ang Diyos ay pag-ibig. Kaya, kapag iniisip natin kung ang ating buhay ay umaayon sa katangian ng Diyos, maaari nating gamitin ang talatang ito upang masukat ang ating mga kilos:

Dahil ang Diyos ay matiyaga sa atin, matiyaga ba tayo? Dahil pinatawad tayo ng Diyos, pinapatawad ba natin ang iba? Dahil hindi naniningil ang Diyos sa ating mga pagkakamali, hindi ba tayo nagkikimkim ng mga sama ng loob?

Hindi ito nangangahulugang palagi natin itong magagawa, ngunit ang pagtatanong sa ating mga sarili ng mga katanungang ito ay makakatulong sa atin upang matukoy kung tayo ay napapalapit o napapalayo sa Diyos.

Kung ang ating mga saloobin ay patuloy na mapagmalaki, kung ang ating mga salita ay patuloy na nakasasakit, kung ang ating mga aksyon ay patuloy na makasarili, malamang na hindi natin sinusunod ang utos ni Jesus na ibigin ang Diyos at ang ating kapwa. At kung hindi natin ito ginagawa, maaari tayong na kay Jesus—ngunit hindi ito nangangahulugang sumusunod kay Jesus.

Sa kabutihang palad, kapag tayo ay mas naglalaan ng oras kasama ni Jesus, mas magiging katulad Niya ang mga kilos natin.


Gumawa ng mga Alagad

“Ibinigay na sa akin ang lahat ng kapangyarihan sa langit at sa lupa. Kaya’t habang kayo’y humahayo, gawin ninyong alagad ko ang mga tao sa lahat ng bansa. Bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. Turuan ninyo silang sumunod sa lahat ng iniutos ko sa inyo. Tandaan ninyo, ako’y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng panahon.”

MATEO 28:18-20

Habang si Jesus ay umaakyat sa langit, sinabi Niya sa Kanyang mga tagasunod na gawing alagad ang iba. Ang orihinal na salitang Griyego na isinalin bilang “gumawa ng mga alagad” ay matheteuo, na nangangahulugang “sanayin.”

Hindi sinasabi ni Jesus, “humayo at pilitin ang mga tao na maging mga alagad.” Sinasabi Niya, “habang ikaw ay namumuhay, sanayin at turuan ninyo ang mga tao na sundin Ako, tulad ng itinuro Ko sa inyo na sundin Ako.”

Maaari itong pakikipagkaibigan sa barista na gumagawa ng iyong kape. Maaaring mangahulugan ito ng pagbili ng pagkain para sa isang tao upang ipaalam sa kanya na siya ay mahalaga. O di kaya’y, maaari itong pag-aalaga sa iyong mga anak at pakikitungo sa kanila nang may pag-ibig at pagmamahal.

Sinumang inilalagay ng Diyos sa harap mo, ipakita sa kanila kung ano ang ibig sabihin ng pagsunod kay Jesus. At sa bawat sitwasyon, hayaang maimpluwensyahan ang iyong mga kilos ng iyong pag-ibig sa Diyos at sa kapwa.

Alin sa mga hakbang na ito ang kailangan mong pagtuunan sa linggong ito? Pumili ng isa, at hilingin sa Diyos na ipakita sa iyo kung paano ito isasagawa sa iyong pang-araw-araw na buhay.

FacebookIbahagi sa Facebook

TwitterIbahagi sa Twitter

EmailIbahagi sa pamamagitan ng Email

Paano Tutuklasin ang Kalooban ng Diyos

Aguhon

Ano ang nais ng Diyos na gawin mo sa iyong buhay? Marahil may ideya ka kung saan ka Niya tinawag, ngunit gusto mo ng patunay. Marahil, hindi ka sigurado kung ano ang kalooban ng Diyos… o marahil, inaalam mo pa kung ano ang hitsura ng pagkakaroon ng isang personal na relasyon sa Diyos.

Sa huli, ang tanging paraan upang malaman ang kalooban ng Diyos ay ang paggugol ng panahon upang kilalanin Siya. Sa paglapit sa Diyos mas nagiging malinaw ang Kanyang patnubay. Kaya, paano natin ito gagawin?

Walang isang tamang paraan—ngunit may mga hakbang na maaari nating gawin na makatutulong.

Narito ang 4 na hakbang upang matulungan kang tuklasin ang kalooban ng Diyos:

Hanapin ang Diyos sa pamamagitan ng Panalangin

Isipin mo ang isang pakikipag-usap sa isang malapit na kaibigan kamakailan lamang. Kung matagal mo na silang kakilala, marahil alam mo na kung ano ang kanilang gusto at di-gusto kahit hindi mo sila tinatanong dahil habang mas malapit ka sa kanila mas nauunawaan mo sila.

Ganoon din ang ating relasyon sa Diyos. Ang pagkakilala sa kalooban ng Diyos ay nagmumula sa pagkakaroon ng mga tapat na pakikipag-usap sa Kanya. Ito ang dahilan kung bakit kailangan nating ugaliin ang pakikipag-usap sa Kanya nang madalas, tungkol sa lahat ng bagay.

Ang panalangin ay hindi lamang tungkol sa pagtatanong sa Diyos kung ano ang nais Niyang gawin natin—ito ay tungkol sa pagkilala kung sino ang Diyos.

Manalangin kasama Namin


Saliksikin ang Banal na Kasulatan

Ang kalooban ng Diyos para sa iyong buhay ay hindi kailanman sasalungat sa kung ano ang nakasulat sa Banal na Kasulatan. Kaya’t habang nakikilala mo ang Diyos sa pamamagitan ng pananalangin, pag-aralang mabuti ang Kanyang Salita.

Habang lalo kang nag-aaral ng Biblia, ang iyong mga naisin ay mas lalong sumasalamin sa kalooban ng Diyos. At kapag nangyari iyon, may tiwala mong mahihiling sa Diyos ang kahit ano—at didinggin ka Niya.


Makinig sa Banal na Espiritu

Ang pakikinig sa Banal na Espiritu ay madalas na nangangailangan ng pagpapatahimik ng ingay sa iyong paligid. Kapag naialis mo na ang mga nakakagambala at naitigil ang pagpansin sa mga takot, magsisimulang mapansin mo ang mapayapang presensiya ng Diyos sa iyong kasalukuyang kalagayan.

Kaya’t sa iyong pananalangin at pagsasaliksik sa Banal na Kasulatan, hingin sa Diyos na ihayag ang anumang saloobin na kailangan mong isuko, at iba pang bagay na kailangang pagtuunan ng pansin. Hayaan ang Banal na Espiritu na gabayan ka sa prosesong ito, at ilagay ito sa iyong isip: maaari mo pa ring maranasan ang kapayapaan ng Diyos kahit ikaw ay nakadarama ng alinlangan.


Humanap ng patunay mula sa mga taong may karunungan

Ang huling pasya ukol sa kalooban ng Diyos ay manggagaling sa Diyos, ngunit nakabubuti na maghanap ng mapagkakatiwalaang payo mula sa labas.

Ito ay marapat na ginagawa kasama ng mga nakaraang hakbang. Ang paghahanap ng matalinong payo ay dapat nagpapatunay sa kung ano ang nadarama mong sinasabi na ng Diyos na gawin mo—hindi dapat nito pinapalitan ang tuwirang pakikipag-usap sa Diyos.

Magdagdag ng Mga Kaibigan sa Iyong Bible App


Pagkatapos, ano na?

Maaring hindi mo ito makuha ng tama palagi, subalit habang lalo mo sinusubukang unawain ang kalooban ng Diyos, mas lalo itong nagiging madali. Sadya kang ginawa ng Diyos, at nais Niyang kasama kang makitang dumating ang Kanyang kaharian “sa lupa gaya ng sa langit.”

Kapag ang iyong mga hangarin ay umaayon sa mga hinahangad ng Diyos, mapagkakatiwalaan ka Niya na gawin kung ano ang tama. Ang pagsunod sa mga hakbang na ito ay makakatulong sa iyo na gawin iyon, ngunit ito ay isang panghabang-buhay na pananagutan kasabay ang paghahanap mo sa Diyos araw-araw.

FacebookIbahagi sa Facebook

TwitterIbahagi sa Twitter

EmailIbahagi sa pamamagitan ng Email

Paano Magdasal: Isang 6 na Hakbang na Gabay sa Panalangin

Taong nananalangin

“Panalangin.” Kapag nakita mo ang salitang iyon, anong mga kaisipan o imahe ang iyong naiisip? Madali ba para sa iyo ang pakikipag-usap sa Diyos? O nahihirapan kang manalangin?

Hindi laging madali ang malaman kung ano ang sasabihin sa Diyos, at minsan, ang pagdarasal ay nabibigyan ng maling paniniwala patungkol sa kung ano dapat ang hitsura ng pakikipag-usap sa Diyos.

“Ganito kayo mananalangin…”

2,000 taon ang nakararaan, itinuro ni Jesus sa Kanyang mga disipulo na magdasal ng tulad nito:

Ama naming nasa langit,
sambahin nawa ang iyong pangalan.
Nawa’y maghari ka sa amin.
Sundin nawa ang iyong kalooban dito sa lupa,
tulad ng sa langit.
Bigyan mo kami ngayon ng aming pagkain sa araw-araw,
at patawarin mo kami sa aming mga kasalanan,
tulad ng pagpapatawad namin
sa mga nagkakasala sa amin.
At huwag mo kaming hayaang matukso,
kundi iligtas mo kami sa Masama.

MATEO 6:9-13

Ito ay isang kilalang halimbawa ngayon kung paano magdasal. Ngunit paano natin ito maipamumuhay sa ating pang-araw-araw na buhay sa ika-21 na siglo?

Una, kailangan nating maunawaan kung paano hindi manalangin. Bago ituro ang Panalangin ng Panginoon, sinabi ni Jesus sa Kanyang mga disipulo, “kapag mananalangin ka, pumasok ka sa iyong silid at isara mo ang pinto…” at, “huwag kayong gagamit ng maraming salitang walang kabuluhan…alam na ng inyong Ama na nasa langit ang inyong kailangan bago pa ninyo ito hingin sa kanya.”

Kung alam na ng Diyos kung ano ang kailangan natin, kung gayon ang panalangin ay hindi lamang patungkol sa mga salitang ating sinasambit. Kung tayo ay nagdarasal upang mapahanga ang ibang tao, o kung itinuturing natin itong isang gawaing dapat tapusin, napapalampas natin ang kapangyarihan ng panalangin.

Ang panalangin ay, at palaging magiging, magilas na pakikipag-ugnayan sa Diyos. Kapag ito ay naunawaan natin, ang Panalangin ng Panginoon ay magiging isang mapagpalayang balangkas na tumutulong sa atin na makipag-usap sa Diyos araw-araw.

Narito ang isang 6-hakbang na gabay sa panalangin na maaaring makatulong:

  1. Tumutok muli sa Diyos.
  2. “Ama naming nasa langit, sambahin nawa ang iyong pangalan…”

    Huminga nang malalim at ituon ang sarili sa mga salitang ito: “Ama naming nasa langit.”

    Dahan-dahang huminga habang sinasabi ito: “Sambahin nawa ang iyong pangalan.”

    Ulitin ito nang ilang beses, at bigyang-pansin ang anumang mga aspeto ng katangian ng Diyos na iyong maiisip. Gugulin ang oras na ito na tumututok sa kung gaano kadakila ang Diyos.

  1. Muling italaga ang iyong kalooban.
  2. “Nawa’y maghari ka sa amin …”

    Ang Diyos ay palaging nasa proseso ng pagtupad ng Kanyang kalooban sa mundo. Kaya’t sa ngayon, pagbulay-bulayan ito: kapag isinaayos mo ang iyong kalooban sa kalooban ng Diyos, masigasig mong hinahanap ang Kanyang Kaharian.

    Patahimikin ang anumang ingay sa iyong paligid, at hingin sa Diyos na ipakita sa iyo kung paano ka makikibahagi sa paggawa ng Kanyang kalooban ngayon.

  1. Bitiwan ang iyong mga alalahanin.
  2. “Bigyan mo kami ngayon ng aming pagkain sa araw-araw …”

    Isipin na iniuunat ang iyong mga kamay sa harap mo, na parang gusto mong maglagay ang Diyos ng isang bagay sa mga ito. Sa pagbibigay mo sa Diyos ng iyong mga alalahanin, ano ang ibinibigay Niya sa iyo bilang kapalit?

    Ilista ang iyong mga alalahanin, at sabihin ang mga ito nang paisa-isa. Sa tuwing magsasabi ka ng isang alalahanin, subukang hilingin sa Diyos na, “bigyan kami ngayon ng aming pagkain sa araw-araw.”

    Gawin ito hanggang sa matapos ang nasa listahan.

  1. Magsisi at tumugon.
  2. “At patawarin mo kami … tulad ng pagpapatawad namin …”

    Ano ang hawak-hawak mo na kailangan mong isuko? Mayroon bang anumang kailangan mong ipagtapat sa ngayon? Marahil ito ay isang pasakit na hindi mo mapakawalan, isang pag-uugali na pinipilit mong baguhin, isang pagkagumon na hindi mo pa napagtatagumpayan, o isang pagkakamali na patuloy mong ginagawa.

    Inaanyayahan ka ng Diyos na lumapit bilang ikaw, at tumugon sa Kanya. Sabihin sa Kanya kung ano ang nasa isip mo, pagkatapos ay lumikha ng puwang upang makinig sa Kanya.

  1. Humiling ng proteksyon mula sa Diyos.
  2. “… iligtas mo kami sa Masama …”

    Lahat tayo ay nailigtas na mula sa isang bagay. Mula saan ka iniligtas ng Diyos?

    Pasalamatan Siya para sa Kanyang katapatan, at ipaalam sa Kanya kung saan kailangan mo ng tulong. Pag-isipan ang pananalangin para sa ibang mga tao na maaaring nangangailangan din ng proteksyon. Tandaan na kahit tila walang pag-asa ang mga sitwasyon, walang hindi magagawa ang Diyos.

  1. Magalak at magnilay.
  2. Ipagdiwang kung ano ang ginawa ng Diyos sa iyong buhay, at maghanap ng mga paraan upang sambahin Siya sa iyong buong araw.

    Pagkatapos, gumugol ng ilang minuto sa pagninilay sa oras na ito kasama ng Diyos. Ano ang ipinakita Niya sa iyo? Pag-isipang magdagdag ng anumang nangibabaw sa iyong isip sa iyong Listahan ng Panalangin sa YouVersion.

Kapag nagsimula tayong manalangin tulad ng ginawa ni Jesus, magsisimula tayong makaranas ng pagiging malapit sa Diyos katulad ni Jesus. At kapag hinayaan natin ang panalangin na humubog sa ating paraan ng pamumuhay, magsisimula nating mapagtanto na maaari nating lapitan ang Diyos sa lahat ng oras nang may kumpiyansa, bukas sa Diyos, at may tiwala.

FacebookIbahagi sa Facebook

TwitterIbahagi sa Twitter

EmailIbahagi sa pamamagitan ng Email

Saan ako makakahanap ng Bible app sa Filipino?