“Tibayan ninyo ang inyong loob! Napagtagumpayan ko na ang sanlibutan.”
Pagkasabi ni Jesus ng mga pananalitang ito, ipinanalangin Niya ang Simbahan sa hinaharap upang ito’y “magkaisa,” kung paanong Siya at ang Ama ay iisa, upang ang mundo ay makilala Siya.
Ano ang pagkakaisa?
Ang pagkakaisa ay ang pagkakasama-sama para sa isang layunin at naisin, at napapaloob dito ang pakikipagpalit ng ating kalooban sa kalooban ni Cristo. Bagama’t mahirap ang pagkakaisa, naniniwala si Jesus na ito ay kailangan upang ang mundo ay makilala Siya.
Kapag nililinang natin ang pagkakaisa sa katawan ni Cristo, kinikilala nating si Jesus ang may kontrol at ang Kanyang biyaya ay sapat upang matakpan ang ating pagkakaiba-iba.
Sa araw na ito, hanapin natin ang puso ng Diyos at hilingin sa Kanyang pag-isahin Niya ang Kanyang Iglesia, upang ang mundo ay maniwala sa Nag-iisang ipinadala ng Diyos upang magkaisa tayo.
Jesus,
Salamat dahil napagtagumpayan mo na ang mundo. Dahil dito, maaari na naming maranasan ang pagkakaisang kasama Ka. At dahil maaari kaming maging kaisa sa Iyo, maaari naming maranasan ang pagkakaisa sa ibang tao.
Dahil sa Iyo ang lahat ay nasa kaayusan. Habang hinahangad naming maisentro ang buhay namin sa Iyo, tulungan Mo kaming makita ang lahat ng pamamaraan kung saan Ikaw ay gumagawa sa mundo.
Ilapit Mo kami sa Iyong puso upang makita namin ang isa’t-isa kung paano Mo kami nakikita. Mahihikayat kami nitong bantayan hindi lamang ang sarili naming kapakanan, kundi ang kapakanan ng iba.
Nais naming ang kaharian Mo ay dumating dito sa lupa tulad ng sa langit, kaya pag-isahin Mo kami sa layunin upang walang makahadlang sa mga taong naghahanap sa Iyo na maniwala sa Iyo. Nawa ay maranasan namin ang lubos na pagkakaisa upang malaman ng mundo na sinugo Mo kami at minamahal Mo sila nang walang pasubali.
Halika, Panginoong Jesus, at gawin Mo sa buhay namin ang bagay na tanging Ikaw lang ang makagagawa.
Sa pangalan ni Jesus, Amen.