Nang pasimula ay nilikha ng Diyos ang langit at ang lupa; ang lupa ay walang hugis o anyo. Dilim ang bumabalot sa kalaliman at kumikilos ang Espiritu ng Diyos sa ibabaw ng tubig.
GENESIS 1: 1-2
Guni-gunihin na ang Espiritu ng Diyos ay kumikilos sa ibabaw ng mundo. Ang lahat ay madilim at walang anyo hanggang sa sinabi ng Diyos, “Magkaroon ng liwanag.” Sa isang saglit, ang lahat ay nagbago. Tumagos ang liwanag sa kadiliman, at ang dating hindi nakikita ay malinaw nang nakikita ngayon. Ito ang nagagawa ng Espiritu ng Diyos. Siya ay laging malapit, laging dinadala ang liwanag sa dati’y nababalot ng kadiliman.
Siya ay naroon kasama ni Moises, habang pinangungunahan ang mga Israelita sa paglalakbay sa ilang. Naroon Siyang kasama ni David, at binibigyang kapangyarihan ito upang matalo si Goliat. Siya ay kasama ni propeta Isaias, at binibigyan ito ng mga salitang sasabihin tungkol sa pagdating ni Jesus. Kasama Siya ni Jesus, habang itinatalaga Siya bilang Anak ng Diyos. At ang Banal na Espiritu ng Diyos ay narito pa rin. Ngayon, ang sinumang naniniwala kay Jesus ay maaaring maranasan ang matinding presensya ng Banal na Espiritu.
Ngunit ano nga ba talaga ang ibig sabihin nito? Paano ba ang maranasan ang Banal na Espiritu?
Sumagot si Pedro, “Pagsisihan ninyo’t talikuran ang inyong mga kasalanan at magpabautismo kayo sa pangalan ni Jesu-Cristo upang kayo’y patawarin; at ipagkakaloob sa inyo ang Espiritu Santo.”
MGA GAWA 2:38
May katibayan sa buong Banal na Kasulatan na ang Banal na Espiritu ay nagbigay-kapangyarihan sa mga partikular na tao upang maging bahagi ng Kanyang mga plano at upang paalalahanan ang iba ng Kanyang layunin. Ngunit ang sakripisyong ginawa ni Jesus sa Kanyang pagkamatay at ang mahimalang muling pagkabuhay Niya ang siyang nagbago ng lahat. Sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan, ang sinuman na piliing maniwala kay Jesus ay maaaring matanggap ang Kanyang Banal na Espiritu.
Dadalangin ako sa Ama, upang kayo’y bigyan niya ng isa pang Tagapagtanggol na magiging kasama ninyo magpakailanman. Siya ang Espiritu ng katotohanan, na hindi matanggap ng sanlibutan sapagkat siya ay hindi nakikita ni nakikilala ng sanlibutan. Ngunit nakikilala ninyo siya, sapagkat siya’y nasa inyo at siya’y mananatili sa inyo.
JUAN 14: 16-17
Ang kaloob ng Banal na Espiritu ay naririyan pa rin sa sinumang naniniwala kay Jesus. At sa pagtanggap ng kaloob na ito, binibigyan tayo ng Diyos ng kapangyarihan upang mamuhay sa paraang magbibigay-karangalan sa Kanya at masasalamin ang Kanyang katauhan. Ang totoo, kapag hiniling natin sa Diyos na mapalapit Siya sa atin, mas nababatid natin ang presensya ng Diyos at ang kapangyarihan sa ating mga buhay. Nangangahulugan ito na kahit sa ating pinakamadidilim na sandali, hindi talaga tayo nag-iisa. Ang Banal na Espiritu ay mas malapit pa sa iyo kaysa sa iyong sariling hininga.
Gayundin naman, tinutulungan tayo ng Espiritu sa ating kahinaan. Hindi tayo marunong manalangin nang wasto, kaya’t ang Espiritu ang dumaraing para sa atin, sa paraang di natin kayang sambitin.
MGA TAGA-ROMA 8:26
Anuman ang iyong sitwasyon o pinanggalingan, kapag ikaw ay na kay Cristo, ang Kanyang Banal na Espiritu ay kasama mo sa lahat ng oras, nagbibigay-kapangyarihan at nagpapalakas sa iyo, at nananalangin alang-alang sa iyong kapakanan. Nauunawaan Niya ang iyong mga pangangailangan dahil nauunawaan ka Niya.
At dahil nauunawaan ka ng Diyos, Siya ay laging gumagawa para sa iyong kapakanan para sa iyong ikakabuti at para sa Kanyang kaluwalhatian. Hindi ibig sabihin nito na hindi ka na magdurusa o makakaranas ng kahirapan. Ngunit kahit na sa gitna ng mga pagsubok na iyon, ang Diyos, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Kanyang Banal na Espiritu, ay patuloy na ilalapit ka sa Kanya.
Kahit na sa iyong pinakamahinang sandali, walang hindi magagawa ang Diyos sa pamamagitan mo kapag ang Kanyang Banal na Espiritu ay nananahan sa iyo.
Bibigyan ko kayo ng bagong puso at bagong espiritu. …Bibigyan ko kayo ng aking Espiritu upang makalakad kayo ayon sa aking mga tuntunin at masunod ninyong mabuti ang aking mga utos.
EZEKIEL 36:26-27
Hindi ka kailanman nalalayo sa presensya ng Diyos. Kapag nagpasya kang tanggapin si Jesus bilang nabuhay na Anak ng Diyos, matatanggap mo ang lahat ng biyayang kasama nito— kasama na ang Banal na Espiritu na sumasaiyo sa lahat ng oras.
Kaya maglaan ng ilang sandali at tanungin ang iyong sarili ng mga katanungang ito:
Kung makakasagot ka ng “oo” sa parehong katanungan, maaari kang makalapit sa Banal na Espiritu ng Diyos. Ngunit ang pagkakaroon ng karapatang makalapit sa Diyos at ang pamumuhay kasama ang Diyos ay magkaibang bagay.
Kapag sinusunod natin ang Diyos dahil mahal natin Siya at kinikilala natin si Jesus bilang Panginoon ng ating mga buhay, hinahayaan natin ang Banal na Espiritu na lumakas sa ating mga buhay. Dahil dito, ang pagkakaroon ng buhay na puspos ng Banal na Espiritu ay nangangailangan ng sadyang paghahanap sa Diyos araw-araw.
Sa pamamagitan ng sinasadyang oras kasama ang Diyos ay natutuklasan mo kung paanong mahalin Siya, mahalin ang ibang tao, at makagawa ng mga disipulo. Kapag nalalaman mo ang katauhan ng Diyos ay doon mo nalalaman ang kapangyarihan, presensya at awtoridad ng Kanyang Banal na Espiritu. At sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu ay nalalaman mo kung paanong ang iyong mga pagkilos at mga pagpili ay nakakaapekto sa iyong relasyon sa Diyos at sa ibang tao.
Ang Panginoong binabanggit dito ay ang Espiritu, at ang Espiritu ng Panginoon ang nagbibigay sa atin ng kalayaan. At ngayong naalis na ang talukbong, nagniningning sa ating mga mukha ang kaluwalhatian ng Panginoon. At ang kaluwalhatiang iyan na nagmumula sa Panginoon, na siyang Espiritu, ang siyang magbabago sa atin mula sa isang antas ng kaluwalhatian hanggang tayo’y maging kalarawan niya.
2 MGA TAGA-CORINTO 3:17-18
Sa huli, ang Banal na Espiritu ay nariyan para sa lahat ng magiging tagasunod ni Cristo, at nais Niyang bigyang-kapangyarihan ka upang mamuhay sa paraang karapat-dapat sa pagkatawag ng Diyos sa iyo..
Kung nais mong matuklasan kung paano mamuhay nang napupuspos ng Espiritu—isang buhay na dinadakila ang Diyos at hinihikayat ang iba—maglaan ng oras sa pagbabasa ng Mga Taga-Galacia 5:22-23. Pagkatapos, kung handa ka na, manalangin sa pamamagitan ng bunga ng Espiritu sa blog post na ito.
Manalangin sa Pamamagitan ng Bunga ng Espiritu
Ibahagi sa Facebook
Ibahagi sa pamamagitan ng Email