Kung nabubuhay tayo sa pamamagitan ng Espiritu, umalinsabay din tayo sa Espiritu.
Kung itinuturing mo ang iyong sarili bilang tagasunod ni Jesus, ang Banal na Espiritu ay laging kasama mo, tinutulungan kang magkaroon ng buhay na pinararangalan ang Diyos at hinihikayat ang iba. Ngunit kahit nariyan ang Banal na Espiritu sa lahat ng oras, ang pamumuhay na puspos ng Espiritu ay nangangailangan ng sadyang paghahanap sa Diyos araw-araw.
Kapag pinapayagan natin ang Espiritu ng Diyos na hatulan, hamunin, at baguhin tayo, binabago Niya ang mga paraan ng ating pag-iisip at pagkilos.
Ang mga “bunga” ng Espiritu ay magkakaiba ngunit magkakaugnay—magkasama, pinatutunayan nila na pinapayagan natin ang Diyos na hubugin ang bawat bahagi ng ating buhay.
Ang mga pagpiling gagawin mo ay laging sasalamin sa kung ano ang pinapayagan mong pumatnubay at gumabay sa iyong puso. Kaya sa sandaling ito, maglaan ng sandali upang basahin muli ang Mga Taga-Galacia 5: 22-23, at hilingin sa Banal na Espiritu na ipakita sa iyo kung anong mga bahagi ng iyong buhay ang kailangan mong baguhin Niya. Pagkatapos, kapag handa ka na, ipanalangin mo ang mga sumusunod na panalangin kasama namin.
Isang Panalangin para sa Pag-ibig
Diyos Ama, salamat sa pagpapakita mo sa akin kung ano ang hitsura ng totoong pag-ibig. Mangyaring gawin Mo akong perpekto sa Iyong pag-ibig sa pamamagitan ng pagpapakita sa akin ng mga bahagi ng aking buhay na hindi naaayon sa Iyong Banal na Espiritu. Ipakita Mo sa akin kung saan ako makasarili, mapagpalugod sa sarili, at madaling magalit, upang maisuko ko sa iyo ang mga bagay na iyon at hayaan kang palitan ang mga ugaling iyon ng Iyong pag-ibig na walang pag-iimbot. Gawin mo akong isang taong nagmamahal sa iba tulad ng pag-ibig Mo sa akin. Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Idagdag sa Listahan ng Panalangin
Isang Panalangin para sa Kagalakan
O Diyos, salamat sa Iyong pagbibigay sa akin ng karapatang makalapit sa Iyong presensya. Dahil lagi kitang kasama, maaari kong maranasan ang totoong kagalakan sa lahat ng oras. Bagaman ang kagalakang ibinibigay Mo ay hindi nakabatay sa aking mga kalagayan, hindi ako laging nabubuhay ng may kagalakan. Kadalasan, sa halip na magtiwala sa Iyo, hinahayaan kong madiktahan ng aking mga problema ang aking mga reaksyon. Patawarin mo ako! Punuin mo ako ng Iyong kagalakan at kapayapaan, upang sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Iyong Banal na Espiritu, ako ay maging sagana sa pag-asa sa lahat ng oras. Tulungan Mo akong mabuhay ng may kagalakang walang makakatalo. Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Idagdag sa Listahan ng Panalangin
Isang Panalangin para sa Kapayapaan
Diyos Ama, madalas ay natatabunan ako ng mga pangyayaring hindi ko mapigilan, at madaling mawala ang atensyon ko dahil sa mga bagay na walang kabuluhan. Patawarin Mo ako dahil hindi ko laging naibibigay sa Iyo ang aking pagtitiwala. Kahit na nahaharap ako sa matitinding sitwasyon, nariyan ka pa ring kasama ko. Ikaw ang Maylikha ng kapayapaan, at maaari akong makapasok sa Iyong presensyang puno ng kapayapaan sa tuwing lumalapit ako sa Iyo. Kaya’t sa halip na patahimikin ang Iyong Banal na Espiritu kapag nababalisa ako o pinanghihinaan ng loob, tulungan Mo akong magkaroon ng lugar sa puso at isipan ko upang maranasan ang kapayapaang malaya Mong ibinibigay. Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Idagdag sa Listahan ng Panalangin
Isang Panalangin para sa Pagpapasensya
Banal na Espiritu, lumikha Ka sa akin ng isang malinis na puso na naghahanap ng pinakamahusay sa iba. Tulungan Mo akong magpakita ng pakikiramay at kahabagan sa lahat, at gawin ito nang may kahinahunan at paggalang. Kapag ang mga tao o pangyayari ay hindi natutugunan ang aking mga inaasahan, bigyan Mo ako ng kapangyarihang magpakita ng biyaya at pag-unawa. Tulungan Mo akong makita ang aking mga sitwasyon mula sa Iyong pananaw upang magalak ako sa lahat ng oras at magpakita ng pagtitiyaga kung kinakailangan. Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Idagdag sa Listahan ng Panalangin
Isang Panalangin para sa Kabaitan
O Diyos, salamat sa Iyong patuloy na pagpapakita sa akin ng Iyong matatag na pag-ibig at awa. Napakabuti Mo talaga! Panginoon, madalas akong madaling magalit, masaktan, o sumama ang loob. Mangyaring baguhin Mo ang aking pag-iisip at pag-uugali. Sa pamamagitan ng Iyong Espiritu, ako ay napatawad at nabigyan ng kapangyarihan. Kaya’t ngayon, inaanyayahan Ko Kayo na gabayan ako, patnubayan ako, at ipakita Mo sa akin kung paano ipakita ang kabutihan sa iba tulad ng pagpapakita mo ng kabaitan sa akin. Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Idagdag sa Listahan ng Panalangin
Isang Panalangin para sa Kabutihan
Banal na Espiritu, wala akong matatakbuhan upang makatakas sa Iyong presensya! Hindi Ka susuko sa akin dahil napakabait Mo upang iwan ako kung paano Mo ako natagpuan. Gabayan Mo ako, payuhan Mo ako, at ipakita Mo sa akin ang mga landas na patungo sa buhay. Ngayon, nawa ay lalo pa akong magkaroon ng kamalayan sa Iyong kabutihan upang maibahagi ko sa iba ang Iyong kabutihan. Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Idagdag sa Listahan ng Panalangin
Isang Panalangin para sa Pagpipigil sa Sarili
Banal na Espiritu, hayaan mong maging kalugud-lugod sa Iyo ang mga salita ng aking bibig at ang mga laman ng aking puso! Ayokong malungkot Ka sa pamamagitan ng pamumuhay sa paraang hindi karapat-dapat sa pagkatawag Mo sa aking buhay. Sa halip, nais kong mabuhay nang may disiplina at may pag-alala sa buhay sapagkat alam kong nagbibigay-karangalan ito sa Iyo. Kaya’t kapag natutukso akong sumuko sa galit, pagkamakasarili, o pagmamataas, tulungan Mo akong isaalang-alang ang iba na mas mahusay kaysa sa aking sarili, at payagan Mo akong gawin ito nang may kababaang-loob at biyaya. Isinusuko ko sa Iyo ang kapamahalaan ng aking buhay. Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Idagdag sa Listahan ng Panalangin
Isang Panalangin para sa Katapatan
O Diyos, ginagawa Mong maayos ang lahat ng bagay sa tamang oras. Walang mahirap para sa Iyo! Tapat Ka sa Iyong mga pangako. Ngunit madalas, nakakalimutan ko ito at pinanghihinaan ako ng loob kapag ang aking mga sitwasyon ay tila hindi nagbabago. Sa mga sandaling iyon, madaling kalimutan na hindi Ka pa tapos sa paggawa. Sa pamamagitan ng Iyong Banal na Espiritu, mangyaring baguhin Mo ang aking pag-iisip at pag-uugali. Kapag nagsisimula akong mapagod, tulungan Mo akong alalahanin na Ikaw ay kasama ko, Ikaw ay tapat, at binigyan Mo ako ng lahat ng kailangan ko upang mabuhay na puno ng pananampalataya ngayon. Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Idagdag sa Listahan ng Panalangin
Isang Panalangin para sa Kahinahunan
Banal na Espiritu, tulungan Mo akong bigyang-pansin ang mga paraan na tinatawag Mo ako sa aking pangalan at inilalapit ako sa Iyo. At habang ginagawa Mo iyan, ipakita Mo sa akin kung paanong mamuhay sa paraang karapat-dapat sa pagkatawag na ibinigay Mo sa akin. Tulungan Mo akong hindi gumawa ng anumang bagay na may makasariling ambisyon, kundi sa halip, ipakita Mo sa akin kung paano isaalang-alang ang iba bilang mas mahusay kaysa sa aking sarili. Sa halip na maghangad na agad iwasto ang mga maling nakikita ko sa ibang tao, hayaan Mo muna akong dalhin ang aking mga alalahanin sa Iyo at payagan Kang gabayan ang aking tugon. Hayaan Mong ang mga pakikipag-usap ko sa iba ay mapuno ng kahinahunan at paggalang upang wala sa aking buhay ang makagambala sa mga tao na makita ka sa pamamagitan ko. Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Idagdag sa Listahan ng Panalangin
Nakahikayat ba o nakapagbigay-inspirasyon ba sa iyo ang mga panalanging ito? Idagdag ang ilan sa mga ito sa iyong YouVersion Listahan ng Panalangin. Sa buong linggo, patuloy ang sinasadyang paglapit sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin, at hayaan ang Kanyang Banal na Espiritu na hubugin ang paraan ng pamumuhay mo.