Kahit pakiramdam mong nag-iisa ka, kasama mo pa rin ang Diyos.
Ngunit kung ang Diyos ay malapit, bakit hindi mo maramdaman ang Kanyang presensiya o magkaroon ng Kanyang kapayapaan?
Si Elias ay isang tapat na lingkod ng Diyos, gayunpaman nakipaglaban siya sa kalungkutan. Matapos talunin ang mga huwad na propeta ni Baal, siya ay natakot, at nagtago sa isang yungib na nangangamba, talunan, at lubos na nag-iisa.
Ngunit, hindi siya pinabayaan ng Diyos.
Kung nararamdamang malayo ang Diyos, narito ang tatlong paalala tungkol sa Kanyang katangian mula sa kuwento ni Elias.
-
Maaari kang maging tapat sa Diyos tungkol sa iyong nararamdaman.
Nagpakita ang Diyos kay Elias at nagtanong, “Ano ang ginagawa mo rito?”
Sumagot si Elias, “Ako na lamang ang natitirang propeta, at ngayon sinusubukan din nila akong patayin.”
Naging tapat si Elias sa Diyos. Siya ay nangangamba para sa kanyang buhay at nag-alinlangan sa kung paano gagamitin ng Diyos ang kanyang kalagayan para sa kabutihan.
Ngunit hindi natakot o nasaktan man ang Diyos sa kanyang pagiging tapat.
Tulad ng isang matalik na kaibigan, hindi iniwan ng Diyos si Elias sa oras ng kanyang pangangailangan. At, totoo rin ito para sa iyo. Kailanman ay hindi ka Niya iiwan o pababayaan.
-
Kahit pakiramdam mong nag-iisa ka, palagi mong kasama ang Diyos.
Nanganganib ang buhay ni Elias, kaya’t ginawa niya ang bagay na tangi niyang naiisip—magtago.
Kapag tayo ay natatakot, maaari nating makalimutan ang pangako ng Diyos na sasamahan tayo at umasa sa ating sariling lakas upang makaligtas.
Kahit na nakakalimutan natin ang pangako ng Diyos, ipinapaalala Niya sa atin na Siya ay malapit.
Sinabi ng Diyos kay Elias na tumindig sa bundok. Isang malakas na hangin ang humagupit sa bundok. Pagkalipas ng hangin, ay isang lindol. Pagkatapos ng lindol, nagkaroon ng apoy.
Ngunit ang Diyos ay wala sa hangin, lindol, o apoy.
Pagkatapos ng apoy, dumating ang isang banayad na bulong. At sa sandaling iyon nalaman kaagad ni Elias na kasama niya ang Diyos.
Madalas nating hinahanap ang Diyos sa malalaking sandali ng ating buhay, ngunit Siya rin ay nasa katahimikan.
-
Inihahayag ng Diyos ang hindi mo nakikita.
Inakala ni Elias na siya na lamang ang natitira na naniniwala pa rin sa Diyos.
Ngunit inihayag ng Diyos na 7,000 sa Israel ang hindi yumukod sa pagsamba kay Baal.
Pakiramdam ni Elias ay siya na lamang mag-isa, ngunit ipinaalala sa kanya ng Diyos na hindi.
Ang kalungkutan ay hindi palaging nagmumula sa pagiging mapag-isa. Maaari rin itong magmula sa pag-iisip na ika’y nag-iisa.
Tulad ni Elias, marahil ay nasa isang lugar ka kung saan pakiramdam mo ika’y napabukod, iniwanan o kinalimutan.
Tandaan lamang, hindi mo kailangang maramdaman ang Diyos para malaman na Siya ay malapit. Ang Diyos ay laging kasama mo.