Paano Makipag-usap sa Iyong Mga Anak Tungkol sa Pasko ng Pagkabuhay

Masayang Linggo - pahinang kinukulayan sa Pambatang Bible App

Sakripisyo. Pagpapako sa Krus. Pagtubos. Muling pagkabuhay. Pagpapanibago. Ang mga ito ay maaaring mga konseptong mahirap maunawaan, kahit na para sa amin bilang mga may sapat na gulang. Paano natin ipakikilala ang ating mga anak sa mga aspetong ito ng ating pananampalataya? Ang Pambatang Bible App ay maaaring makatulong.

Ama at anak na naglalaro sa tablet

Ang mga kuwento sa Pambatang Bible App na “Ang Huling Hapunan,” “Tapos Na!,” at “Isang Masayang Linggo” ay tumutulong sa mga bata na maranasan ang mga kuwento ng Pasko ng Pagkabuhay sa mga paraang naangkop sa kanilang edad. Tinutulungan ng mga kagamitan sa pagtuturo tulad ng mga interactive na animation na makilahok ang mga bata sa mga kuwento, habang ang mga nakalilibang na mga gawain ay aagapay sa kanilang pag-unawa ng kahulugan ng sakripisyo ni Jesus para sa kanila.

Pag-isipang panoorin ang mga kuwentong ito kasama ng inyong mga anak, at hayaan silang magsimula ng mga pag-uusap tungkol sa kahulugan ng pagsunod kay Jesus sa inyong pamilya.

Kunin ang Pambatang Bible App

Isang Panalangin para sa Ugnayan

Lalaking nananalangin

Mahal naming Diyos,

Mahirap po ang mag-isa. Kami ay Iyong nilikha para sa pamayanan, hindi upang ikulong.

Ngunit kami’y nagpapasalamat na kahit gaano kami nalulungkot sa aming pag-iisa, Hindi Mo kami iniiwan ni pinababayaan. At, kami’y lubos na nagpapasalamat sa teknolohiya na tumutulong sa aming makipag-ugnayan sa bawat isa.

Sa araw na ito, paalalahanan po Ninyo kami na ang social distancing at isolation na ito ay hindi magtatagal magpakailanman.

Bigyan po Ninyo kami ng lakas upang mapagtiisan ang mahirap na panahon na ito, at palalimin po Ninyo sana ang aming ugnayan sa Iyo at Iyong bayan.

Biyayaan po Ninyo kami ng dagdag na dosis ng Iyong pag-ibig, kapayapaan, pag-asa at kagalakan, dahil kailangan po namin ang mga ito. Paalalahanan po Ninyo kami ng Iyong mga pangako, at hilumin po Ninyo ang aming bayan.

Sa ngalan ni Jesus, Amen.

Icon ng Panalangin

Idagdag ang Iyong Sariling Panalangin

Paano ang naging huling linggo ni Jesus?

“GAWIN NINYO ITO BILANG
PAG-ALAALA
SA AKIN.”

LUCAS 22:19

Ano ang Mahal na Araw?

Iyon ay ang linggo bago mamatay si Jesus. Isang linggo ng Kanyang pagbabahagi ng mga huling kaisipan at pagpapaalam. Isang linggo ng pagsasabi sa Kanyang mga alagad ng “Iniibig Ko kayo,” sa huling pagkakataon.

Iyon ay isang linggong puno ng sakit at pangako, na hahantong sa isang pangwakas, napakasakit na pagpapahayag:

“Naganap na.”

Sa isang huling paghinga, si Jesus ang naging huling sakripisyo natin. At dahil sa Kanyang kapangyarihan sa kamatayan, maaari na tayong maging ganap na buhay.

Ngayong Mahal na Araw, maglaan ng oras bawat araw hanggang sa pagsapit ng Pasko ng Pagkabuhay upang magnilay sa kahulugan ng sakripisyo ni Jesus para sa iyo. Subukan ang isang maikling Gabay para sa Pasko ng Pagkabuhay upang matulungan ka (at ang iyong pamilya) na itakda ang isipan ninyo kay Cristo.

Mga Gabay na Pang-Kuwaresma

Isang Panalangin para sa Paggaling

Lalaking nananalangin

Aming Diyos,

Sinasabi ng Iyong Salita na Kapag tumawag sa Iyo ang Iyong bayan, sila’y Iyong pakikinggan, sasamahan, sasaklolohan at ililigtas.

Sa panahong ito, hinihiling po namin sa Iyo na Iyong pagalingin ang mga may sakit o nagdadala ng virus na COVID-19 nang hindi nila nalalaman. Pagalingin Mo po sila at protektahan ang mga nasa paligid nila.

Bigyan po Ninyo kami ng lunas para sa Coronavirus at tulungan po Ninyo kami na maisaayos ang aming ekonomiya. Pagkalooban po sana Ninyo kami ng isang mabilis at mapaghimalang pagtatapos sa kadilimang ito ng mundo.

Kahit dumating po ang Iyong paggaling sa araw na ito, sa susunod na linggo, o sa susunod na buwan, naniniwala po kami na paggagalingin Mo ang mundong ito. Patuloy po kaming magpupuri sa Iyo, habang kami’y naghihintay ng mga kasagutan. Mangyaring iligtas Mo po kami.

Sa ngalan ni Jesus, Amen.

Icon ng Panalangin

Idagdag ang Iyong Sariling Panalangin

May Ilang Mga Bagay Ang Wala Sa Ating Kontrol – Ngunit Hindi Lahat.


Kung minsan ay para bang kada minuto ay may update sa balita. Kapag binibigyan natin ng sobrang pansin ang mga kaganapan na hindi natin nakokontrol, maaari tayong makalimot sa kapangyarihan na mayroon pa tayo. Maaari tayong pumili kung paano tayo tutugon sa mga pangyayari. At marahil ay ang mas mahalaga, sa kabila ng mga kaganapan na iyon, maaari tayong pumili kung papaano tayo makikitungo sa iba.


Kamakailan ay pinaalala namin sa iyo ang panahon kung kailan nabalutan ng takot ang mga alagad ni Jesus nang mukhang lulubog ang kanilang bangka, ngunit pinakalma Niya ang bagyo. Katulad ng mga alagad ni Jesus, lahat tayo ay nasa kaparehang sitwasyon kasama si Jesus — ngunit huwag nating kalimutan na kasama rin natin ang bawat isa. At maaari nating piliin na hikayatin at palakasin ang loob ng bawat isa, suportahan ang isa’t-isa, magmahalan, at ituro ang bawat isa pabalik kay Jesus.

Kung paano ko kayong inibig, gayundin naman, mag-ibigan kayo. Kung kayo’y mag-iibigan, makikilala ng lahat na kayo’y mga alagad ko.

Juan 13:34-35

Narito ang 4 na Paraan Na Maari Nating Piliin ang Pag-ibig

1. Hikayatin o Palakasin ang loob ng bawat isa.

Tayo ay nabubuhay sa isang kahanga-hangang panahon! Kahit hindi natin kayang maging pisikal na nariyan para sa bawat isa, maaari tayong tumawag, mag-text, makipag-ugnayan sa social media, magsimba online, at marami pang iba.

Ang kagandahang-loob ay huwag ipagkait sa kapwa, kung ika’y may kakayahan na ito ay magawa.

Mga Kawikaan 3:27

2. Suportahan ang bawat isa.

Ang ilan sa mga pinakamakabuluhang bagay na maaari nating magawa ay simple at praktikal. Kumustahin ang iyong mga kapitbahay at tanungin kung ayos pa ba ang kanilang kalagayan. Ibahagi ang anumang mayroon ka. Maghatid ng pagkain para sa isang taong hindi makalabas. Magbayad para sa taong nasa likod mo sa isang drive-through. Magpadala ng isang email gift card para sa isang kaibigan.

Mga anak, huwag tayong magmahal sa pamamagitan lamang ng salita, subalit ipakita rin natin ang tunay na pag-ibig sa pamamagitan ng gawa.

1 Juan 3:18

3. Magmahalan.

Sinabi ni Jesus na ang pagmamahal sa iyong kapwa ay ang pangalawang pinakamahalagang utos. At sa talinhaga ng Mabuting Samaritano, ipinaliwanag Niya ang kahulugan ng salitang, “kapwa.” Iminungkahi pa ni Pablo na ang pagmamahal sa bawa’t isa ay maaari nating gawing isang paligsahan!

Magmahalan kayo bilang tunay na magkakapatid at pahalagahan ninyo ang iba nang higit sa pagpapahalaga nila sa inyo.

Mga Taga-Roma 12:10

4. Ituro ang bawat isa kay Jesus.

Si Jesus ang tunay na nagpapakalma sa ating mga bagyo. Ngunit nasa sa atin ito na paalalahanan ang bawat isa ng mga pangako ng Diyos. At manalangin para sa isa’t-isa. At maaari mong gawin ang dalawang bagay na ito — at higit pa — sa kaparehang mga paraan na binanggit namin sa #1 (at siyempre sa Bible App).

Isang paalala lamang: Anuman ang pinagdadaanan mo ngayon, lahat tayo ay magkakasama rito. Lahat tayo ay sa iisang planeta nakatira. Iisang hangin ang ating hinihinga. Sabi nga ni Jesus magdaranas tayo ng kapighatian sa mundong ito. Ngunit ibinigay Niya sa atin ang Kanyang Espiritu. At ibinigay Niya sa atin ang bawat isa.

At ang dalawang bagay na iyon ay
higit pa sa sapat.

FacebookIbahagi sa Facebook

TwitterIbahagi sa Twitter

EmailIbahagi sa pamamagitan ng Email