Para sa sinumang nakakaramdam na siya ay nag-iisa, ito ay para sa iyo…

Isang taong naglalakad sa disyerto

Hindi ka nag-iisa.

Sa mga oras na ito, marami sa atin ay nag-iisip kung paano ipanumbalik ang koneksiyon sa ating mga kaibigan at pamilya na matagal na nating hindi nakikita.

Ang prosesong ito ay nangangailangan ng panahon, at waring nakakayamot. Ngunit kahit na pakiramdam natin na tayo ay nag-iisa at walang kaugnayan kaninuman, maaari tayong makipag-ugnayan sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin, at hingin sa Kanya na tulungan tayo na kumonekta muli sa mga nakapaligid sa atin.

Kasama natin palagi ang Diyos, at gustong-gusto Niya kapag tayo ay matapat na nakikipag-ugnayan sa Kanya.

Isang Panalangin para sa Ugnayan

O Diyos, para sa marami sa amin, ang nakaraang taon ay puno ng pagbubukod. Sa kabila ng pagsulong ng teknolohiya, nasaksihan namin ang mga relasyon na nagbago at nagkalayo sa isa’t-isa—at ikinalulungkot namin ang kawalang ito.

Ngunit aming Diyos, batid namin na kaya Ninyong tubusin ang nasira. Nagmamalasakit Kayo sa pamayanan, at ginawa Ninyo kami para sa pakikipag-ugnayan. At, ibinigay Ninyo sa amin ang Inyong Banal na Espiritu na nakakaintindi sa mga pinagdadaanan namin at nananalangin para sa aming kapakanan. Kaya kapag pakiramdam namin na kami ay nag-iisa, paalalahanan kami na Kayo ay malapit—at hindi pa Kayo tapos kumilos.

Ipanumbalik ang amin mga relasyon at ipakita sa amin kung paano magkaroon ng mga makabuluhang mga ugnayan—kahit ito ay nakaiilang sa umpisa.

Sa huli, nais namin na ang aming kalungkutan ay magpalapit sa amin sa Inyo at sa lahat ng taong iniatas Ninyo sa amin na mahalin at suportahan. Kaya’t kunin Ninyo ang aming pagkabukod, ang kawalan ng ugnayan, ang aming pagkabalisa, at ang aming takot—at baliktarin ito sa isang magandang bagay na magpapalapit sa mundo sa Inyo at sa isa’t-isa.

Sa ngalan ni Jesus,
Amen.

I-save ang Panalangin

5 Mga Panalangin para sa Espirituwal na Paglago

Taong nananalangin

Ano ang hitsura ng espirituwal na paglago?

Ang malulusog na relasyon ay nangangailangan ng pagsisikap, mabubuting kaugalian, at panahon para sa pagsasama. Kung kaya’t nasasangkot sa pagiging ganap sa espiritu ang paglapit sa Diyos araw-araw.

Nasa ibaba ang limang mga panalangin na nakatuon sa iba’t-ibang mga landas patungo sa pagiging malapit sa Diyos. Habang binabasa ang mga ito, pumili ng isang aspeto kung saan ka magtutuon ng pansin ngayong linggong ito, at hayaang baguhin ka ng Diyos sa pamamagitan ng pagbabago ng paraan ng iyong pag-iisip.


Isang Panalangin para Mamuhay nang Bukas-palad

O, Diyos,

Kung wala Kayo, wala akong anuman. Ang bawat mabuti at perpektong kaloob ay nagmumula sa Inyo—ngunit kung minsan, tinitingnan ko ang mga kaloob na ibinigay Ninyo sa akin bilang isang bagay na nararapat lamang sa akin. Minsan natutukso akong itago ang aking kayamanan, oras, at mga mapagkukunan sa halip na ibahagi ang mga ito sa iba. Sa huli, alam kong ako ay pinagpala upang maging isang pagpapala—kaya’t mangyaring tulungan akong mahusay na pangasiwaan ang mga kaloob na ipinagkatiwala Ninyo sa akin. Gawin akong isang taong nabubuhay—at nagbibigay—nang bukas-palad.

Sa ngalan ni Jesus,
Amen.

I-save ang Panalangin


Isang Panalangin para sa Kapahingahan

O, Diyos,

Sa isang mundo na niluluwalhati ang pagiging abala, napakadaling punan ang aking oras ng mga bagay na hindi mahalaga. Kung hindi ako mag-iingat, mamamanhid ako o mapupundi dahil hindi ako lumilikha ng sapat na puwang upang makapagpahinga sa Inyong presensya araw-araw. Kailangan ko na mabago Ninyo ang paraan ng aking pag-iisip at pamumuhay. Kailangan ko na matulungan Ninyo na makagawa ng puwang para sa pamamahinga. Tulungan Ninyo akong lumapit sa Inyo araw-araw—nais ko lamang na makasama Kayo.

Sa ngalan ni Jesus,
Amen.

I-save ang Panalangin


Isang Panalangin para sa Pagbabasa ng Salita ng Diyos

O Diyos,

Salamat sa pagpapakita sa akin ng mga landas na patungo sa buhay. Lubos akong nagpapasalamat na maaari kong maranasan ang kagalakan sa Inyong presensya magpakailanman! Tulungan Ninyo akong mamuhay gaya ng nararapat sa mga tinawag Ninyo sa pamamagitan ng paggugol ng oras sa Inyong Banal na Salita. Hindi ko kailanman nais na makaligtaan na ang pagtatamo ng Banal na Kasulatan ay isang kaloob. Kaya’t mangyaring gawin akong sabik na basahin ang Inyong mga Salita. Ipakita ang Inyong kalooban sa akin habang gumugugol ako ng oras sa Inyong presensya. Turuan Ninyo ako ng Inyong Salita, na siyang katotohanan.

Sa ngalan ni Jesus,
Amen.

I-save ang Panalangin


Isang Panalangin para sa Paglilingkod

O Diyos,

Napakabait Ninyo sa akin. At nang isuko Ninyo ang Inyong Bugtong na Anak upang iligtas ako, binigyan Ninyo ako ng isang halimbawa ng mapagpakumbabang pagsunod. Salamat sa pagpapakita sa akin kung paano dapat maging tagapaglingkod na namumuno. Sa halip na gawin ang sarili kong kaparaanan, tulungan akong hanapin ang Inyo. Nais kong paglingkuran Kayo sa pamamagitan ng paglilingkod sa iba. Kaya’t baguhin Ninyo ang aking puso at tulungan akong mahalin ang iba nang totoo. Hubugin Ninyo ako sa isang taong itinuturing na higit ang iba kaysa sa aking sarili.

Sa ngalan ni Jesus,
Amen.

I-save ang Panalangin


Isang Panalangin para sa Pakikipag-usap sa Diyos

O, Diyos,

Minsan parang wala akong mga salitang dapat na ipanalangin. Hindi ko palaging alam kung ano ang sasabihin sa Inyo. Ano ang sasabihin ko sa isang perpekto sa lahat ng paraan? Mangyaring tulungan akong alalahanin na nais Ninyong makinig sa akin. Bigyan Ninyo ako ng kumpiyansa na sabihin ang nilalaman ng puso ko sa Inyo, ngunit tulungan Ninyo akong gawin ito nang may paggalang. At mangyaring hayaan ang mga matatapat na pag-uusap ay humantong sa aking mas malalim na pagkatakot, pagkamangha, at pagmamahal para sa Inyo. Ipakita sa akin kung paano makipag-usap sa Inyo, at pagkatapos ay gawin akong sabik na gawin ito nang palagian.

Sa ngalan ni Jesus,
Amen.

I-save ang Panalangin

Paano Magdasal: Isang 6 na Hakbang na Gabay sa Panalangin

Taong nananalangin

“Panalangin.” Kapag nakita mo ang salitang iyon, anong mga kaisipan o imahe ang iyong naiisip? Madali ba para sa iyo ang pakikipag-usap sa Diyos? O nahihirapan kang manalangin?

Hindi laging madali ang malaman kung ano ang sasabihin sa Diyos, at minsan, ang pagdarasal ay nabibigyan ng maling paniniwala patungkol sa kung ano dapat ang hitsura ng pakikipag-usap sa Diyos.

“Ganito kayo mananalangin…”

2,000 taon ang nakararaan, itinuro ni Jesus sa Kanyang mga disipulo na magdasal ng tulad nito:

Ama naming nasa langit,
sambahin nawa ang iyong pangalan.
Nawa’y maghari ka sa amin.
Sundin nawa ang iyong kalooban dito sa lupa,
tulad ng sa langit.
Bigyan mo kami ngayon ng aming pagkain sa araw-araw,
at patawarin mo kami sa aming mga kasalanan,
tulad ng pagpapatawad namin
sa mga nagkakasala sa amin.
At huwag mo kaming hayaang matukso,
kundi iligtas mo kami sa Masama.

MATEO 6:9-13

Ito ay isang kilalang halimbawa ngayon kung paano magdasal. Ngunit paano natin ito maipamumuhay sa ating pang-araw-araw na buhay sa ika-21 na siglo?

Una, kailangan nating maunawaan kung paano hindi manalangin. Bago ituro ang Panalangin ng Panginoon, sinabi ni Jesus sa Kanyang mga disipulo, “kapag mananalangin ka, pumasok ka sa iyong silid at isara mo ang pinto…” at, “huwag kayong gagamit ng maraming salitang walang kabuluhan…alam na ng inyong Ama na nasa langit ang inyong kailangan bago pa ninyo ito hingin sa kanya.”

Kung alam na ng Diyos kung ano ang kailangan natin, kung gayon ang panalangin ay hindi lamang patungkol sa mga salitang ating sinasambit. Kung tayo ay nagdarasal upang mapahanga ang ibang tao, o kung itinuturing natin itong isang gawaing dapat tapusin, napapalampas natin ang kapangyarihan ng panalangin.

Ang panalangin ay, at palaging magiging, magilas na pakikipag-ugnayan sa Diyos. Kapag ito ay naunawaan natin, ang Panalangin ng Panginoon ay magiging isang mapagpalayang balangkas na tumutulong sa atin na makipag-usap sa Diyos araw-araw.

Narito ang isang 6-hakbang na gabay sa panalangin na maaaring makatulong:

  1. Tumutok muli sa Diyos.
  2. “Ama naming nasa langit, sambahin nawa ang iyong pangalan…”

    Huminga nang malalim at ituon ang sarili sa mga salitang ito: “Ama naming nasa langit.”

    Dahan-dahang huminga habang sinasabi ito: “Sambahin nawa ang iyong pangalan.”

    Ulitin ito nang ilang beses, at bigyang-pansin ang anumang mga aspeto ng katangian ng Diyos na iyong maiisip. Gugulin ang oras na ito na tumututok sa kung gaano kadakila ang Diyos.

  1. Muling italaga ang iyong kalooban.
  2. “Nawa’y maghari ka sa amin …”

    Ang Diyos ay palaging nasa proseso ng pagtupad ng Kanyang kalooban sa mundo. Kaya’t sa ngayon, pagbulay-bulayan ito: kapag isinaayos mo ang iyong kalooban sa kalooban ng Diyos, masigasig mong hinahanap ang Kanyang Kaharian.

    Patahimikin ang anumang ingay sa iyong paligid, at hingin sa Diyos na ipakita sa iyo kung paano ka makikibahagi sa paggawa ng Kanyang kalooban ngayon.

  1. Bitiwan ang iyong mga alalahanin.
  2. “Bigyan mo kami ngayon ng aming pagkain sa araw-araw …”

    Isipin na iniuunat ang iyong mga kamay sa harap mo, na parang gusto mong maglagay ang Diyos ng isang bagay sa mga ito. Sa pagbibigay mo sa Diyos ng iyong mga alalahanin, ano ang ibinibigay Niya sa iyo bilang kapalit?

    Ilista ang iyong mga alalahanin, at sabihin ang mga ito nang paisa-isa. Sa tuwing magsasabi ka ng isang alalahanin, subukang hilingin sa Diyos na, “bigyan kami ngayon ng aming pagkain sa araw-araw.”

    Gawin ito hanggang sa matapos ang nasa listahan.

  1. Magsisi at tumugon.
  2. “At patawarin mo kami … tulad ng pagpapatawad namin …”

    Ano ang hawak-hawak mo na kailangan mong isuko? Mayroon bang anumang kailangan mong ipagtapat sa ngayon? Marahil ito ay isang pasakit na hindi mo mapakawalan, isang pag-uugali na pinipilit mong baguhin, isang pagkagumon na hindi mo pa napagtatagumpayan, o isang pagkakamali na patuloy mong ginagawa.

    Inaanyayahan ka ng Diyos na lumapit bilang ikaw, at tumugon sa Kanya. Sabihin sa Kanya kung ano ang nasa isip mo, pagkatapos ay lumikha ng puwang upang makinig sa Kanya.

  1. Humiling ng proteksyon mula sa Diyos.
  2. “… iligtas mo kami sa Masama …”

    Lahat tayo ay nailigtas na mula sa isang bagay. Mula saan ka iniligtas ng Diyos?

    Pasalamatan Siya para sa Kanyang katapatan, at ipaalam sa Kanya kung saan kailangan mo ng tulong. Pag-isipan ang pananalangin para sa ibang mga tao na maaaring nangangailangan din ng proteksyon. Tandaan na kahit tila walang pag-asa ang mga sitwasyon, walang hindi magagawa ang Diyos.

  1. Magalak at magnilay.
  2. Ipagdiwang kung ano ang ginawa ng Diyos sa iyong buhay, at maghanap ng mga paraan upang sambahin Siya sa iyong buong araw.

    Pagkatapos, gumugol ng ilang minuto sa pagninilay sa oras na ito kasama ng Diyos. Ano ang ipinakita Niya sa iyo? Pag-isipang magdagdag ng anumang nangibabaw sa iyong isip sa iyong Listahan ng Panalangin sa YouVersion.

Kapag nagsimula tayong manalangin tulad ng ginawa ni Jesus, magsisimula tayong makaranas ng pagiging malapit sa Diyos katulad ni Jesus. At kapag hinayaan natin ang panalangin na humubog sa ating paraan ng pamumuhay, magsisimula nating mapagtanto na maaari nating lapitan ang Diyos sa lahat ng oras nang may kumpiyansa, bukas sa Diyos, at may tiwala.

FacebookIbahagi sa Facebook

TwitterIbahagi sa Twitter

EmailIbahagi sa pamamagitan ng Email

Saan ako makakahanap ng Bible app sa Filipino?

Magtuon muli sa kung ano ang mahalaga sa pamamagitan ng panalangin.

Isang taong tumatanaw sa baybayin

Huminga nang malalim…

Ang pagpapatahimik sa ingay ng ating mga buhay ay nangangailangan ng oras, ngunit ito ay isa sa mga dahilan ng Kuwaresma. Ngayon, muling ituon ang iyong buhay kay Jesus sa pamamagitan ng pananalangin kasama namin.


Isang Panalangin upang Magtuon Muli

O Diyos, nais ko ng higit pa Ninyo.

Madalas, pinipili kong habulin ang mga pansamantalang bagay at napapabayaan Kayo. Patawarin Ninyo ako, at baguhin ako. Hindi ko gustong mamuhay nang hindi nakatuon sa Inyo.

Habang ako ay naghahanda para sa Linggo ng Muling Pagkabuhay, tulungan Ninyo akong patahimikin ang mga ingay ng aking buhay. Ipakita sa akin ang mga hakbang na kailangan kong gawin upang ituon ang aking puso, isip, at kalooban sa Inyo lamang.

Ako’y siyasatin, alamin ang aking isip. Linisin ang aking buhay, itawag sa aking pansin ang anumang bagay na nakasasama ng Inyong loob, at gawin akong tulad Ninyo. Ituro sa akin ang landas patungo sa buhay, at punuin ako ng kagalakan sa Inyong piling.

Minamahal Kita, at nais kong ituon ang aking mga mata sa Inyo.

Sa pangalan ni Jesus, Amen.

I-SAVE ANG PANALANGING ITO

Kami ay nananalangin para sa iyo sa taong ito.

2021

O Diyos, batid mo ang lahat ng mga bagay. Alam mo kapag umuupo kami, at kapag kami ay tumatayo. Alam mo ang aming mga iniisip kahit na malayo kami—walang maitatago sa Iyo.

Kaya nga sa taong ito, magkaroon nawa kami ng higit na kamalayan sa Iyong kalooban at sa Iyong mga paraan sapagkat ang mga ito ay mas mahusay kaysa sa amin. Lumikha Ka sa amin ng malinis na puso at isipan, sapagkat ang hangarin namin ay higit na makilala Ka.

Alam namin na Ikaw ay mabuti kahit dumadaan kami sa mga bagay na hindi maganda. Kaya’t mangyaring tulungan Mo kaming magtiwala sa Iyo. Ipakita Mo sa amin kung paanong mangarap kasama Ka—kahit na pakiramdam namin ay hindi posible ang mangarap.

Dahil binibigyan Mo kami ng lakas at pag-asa, hayaan Mong ang Iyong kapayapaang hindi kayang maunawaan ng tao ang siyang mag-ingat sa aming mga puso at isipan.

Aming Diyos, iniibig Ka namin, at nais naming panatilihing nakatuon ang aming mga mata sa Iyo. Kaya narito kami, Panginoon. Gamitin Mo kami. Hubugin Mo kami. Nakikinig ang Iyong mga anak.

Sa Pangalan ni Jesus,

Amen.

I-SAVE ANG PANALANGING ITO