Manguna sa pagkamapagbigay, at tumulong na baguhin ang mga buhay.
Mayroon kaming mapa sa YouVersion. Sa tuwing binubuksan ng isang tao ang app, isang tuldok ang umiilaw nang ilang segundo. Sa amin, ang bawat isa sa mga tuldok na ito ay kumakatawan sa isang tao, isang kuwento, isang buhay. Ang aming mapa ay nagsisilbing paalala sa tuwina para sa amin na, bawat sandali ng bawat araw, nais naming tulungan kang kumonekta sa Kanya na humahawak sa lahat ng kailangan mo.
Lalo na habang papalapit ang Pasko ng Pagkabuhay, nag-iisip kami ng mga paraan upang matulungan kang maging mas malapit sa Diyos sa taong ito. Sa Mateo 6, itinuro ni Jesus ang tungkol sa tatlong tradisyunal na paraan kung saan ang maraming Cristiano ay ibinabaling ang kanilang pansin sa kaharian ng Diyos sa ganitong panahon:
“Kapag nag-aayuno ka…
Kapag nagdarasal ka…
Kapag nagbibigay ka…”
Sa paraan kung paano Niya ipinaliwanag ang bawat isa, malinaw na inaasahan ni Jesus ang Kanyang mga tagasunod na gawin ang tatlong ito. Kapag sinusuportahan mo ang YouVersion sa pananalapi, nililinang mo ang isang pusong mapagbigay, at ang kaloob mo ay gumagawa ng walang hanggang pagbabago sa buhay ng mga tao, sa buong mundo.
Maging bahagi ng pagbabago sa buhay na nakikita natin araw-araw.
Paano gagawing makabuluhan ang iyong oras:
Huminto ka at huminga nang malalim. Habang ginagawa mo ito, pagbulay-bulayan ang nakaraang taon. Ano ang ginawa ng Diyos sa iyong buhay mula noong Pasko ng Pagkabuhay 2020?
Kapag ikaw ay nasa kalagitnaan ng isang mahabang panahon, madali mong makalimutan kung ano ang ginagawa ng Diyos sa gitna ng iyong kalagayan. Iyon ang isa sa mga dahilan kung bakit napakahalaga ng pagbubulay sa Salita ng Diyos: nakakatulong ito sa atin na magdahan-dahan at alalahanin na ang Diyos ay tapat sa bawat panahon ng buhay.
Habang ika’y naghahanda para sa Linggo ng Pagkabuhay, gumugol ng ilang sandali upang pagbulay-bulayan ang katapatan ng Diyos sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bersikulo ng Araw.
Narito ang 3 mga paraan upang magawa iyon:
Kung mayroon kang 5 minuto…
Buksan ang iyong Bible App, at hanapin ang Bersikulo ng Araw. Bago ka magsimulang magbasa, hilingin sa Diyos na ipaalam Niya sa iyo ang anumang nais Niyang ipakita sa iyo. Pagkatapos, basahin nang dahan-dahan ang bersikulo, habang binibigyang pansin ang anumang mga salitang namumukod-tangi sa iyo.
Tanungin ang sarili: Ano ang inihahayag ng bersikulong ito patungkol sa katangian ng Diyos? Ano ang pangunahing punto ng talatang ito? Paano ko ito maipamumuhay sa araw-araw?
Tapusin ang sandaling ito sa pamamagitan ng paghingi sa Diyos ng tulong sa pagbubulay sa bersikulong ito sa buong maghapon.
Kung mayroon kang 15 minuto…
Kapag nabasa mo na ang Bersikulo ng Araw, i-tap ang “Paghambingin ang Mga Bersyon” at piliin ang 3-5 na mga bersyon ng Biblia na nais mong paghambingin. Basahin ang bawat bersyon at bigyang pansin ang anumang mga pagkakaiba-iba ng wika. Pahintulutan ang mga pagkakaiba na bigyan ka ng mas malawak na pag-unawa sa bersikulo.
Tanungin ang sarili: Paano ipinapahayag ng bersyon ang teksto? Ano ang natututunan ko tungkol sa Diyos sa pamamagitan ng paghahambing ng mga bersyon? Anong mga salita o parirala ang namumukod-tangi sa akin?
Isulat ang anumang ipinakita sa iyo ng Diyos, at pagkatapos ay hilingin sa Kanyang tulungan ka upang maisabuhay ang bersikulong ito.
Kung mayroon kang 30 minuto…
Gugulin ang unang limang minuto sa pag-aalaala ng anumang mga alalahanin o mga problema na umaagaw sa iyong pansin. Hilingin sa Diyos na ipakita sa iyo ang mga katotohanan sa Kanyang Salita, pagkatapos ay dahan-dahang basahin ang Bersikulo ng Araw at paghambingin ang mga bersyon.
Pagkatapos mo itong magawa, i-type ang sangguniang bersikulo sa Tuklasin upang tingnan ang mga mapagkukunang may kaugnayan dito. Pumili ng isang sanggunian na pag-aaralan bilang bahagi ng iyong pagbubulay.
Tanungin ang sarili: Anong pananaw ang ibinibigay ng sangguniang ito? Paano nito naiimpluwensiyahan o napatutunayan kung ano ang ipinapakita sa akin ng Diyos sa bersikulo ngayon? Ano ang ipinahihiwatig nito sa akin, at paano ko ito maipamumuhay?
Kapag ikaw ay natapos na, isulat ang 2-3 na bagay na iyong nakuha sa pag-aaral ng Banal na Kasulatan. (Maaari mo rin na subukan ang pamamaraan sa pag-aaral na ito.)
Kapag natapos mo na ang iyong pagbubulay-bulay, gumugol ng ilang minuto upang humiling sa Diyos na paalalahanan ka sa buong maghapon ng lahat ng iyong natutunan. Ulitin ang prosesong ito araw-araw hanggang sa Linggo ng Muling Pagkabuhay.
Naghahanap ng kapayapaan? Subukan ang mga Gabay na ito
Tumuklas ng mga Gabay para sa Kapayapaan
Sa bawat panahon, kaya ng Diyos na bigyan tayo ng kapayapaan. Ang kapayapaang ito ay hindi pansamantala o nakasalalay sa mga nangyayari sa ating kapaligiran, at hindi ito makikita sa labis na paggamit ng social media o mga self-help clips. Ang tunay at walang hangganang kapayapaan ay matatagpuan lamang sa paglapit sa Diyos.
Ngayon, hanapin ang Diyos at ang Kanyang kapayapaan sa pamamagitan ng isa sa mga Gabay na ito.
Magtuon muli sa kung ano ang mahalaga sa pamamagitan ng panalangin.
Huminga nang malalim…
Ang pagpapatahimik sa ingay ng ating mga buhay ay nangangailangan ng oras, ngunit ito ay isa sa mga dahilan ng Kuwaresma. Ngayon, muling ituon ang iyong buhay kay Jesus sa pamamagitan ng pananalangin kasama namin.
Isang Panalangin upang Magtuon Muli
O Diyos, nais ko ng higit pa Ninyo.
Madalas, pinipili kong habulin ang mga pansamantalang bagay at napapabayaan Kayo. Patawarin Ninyo ako, at baguhin ako. Hindi ko gustong mamuhay nang hindi nakatuon sa Inyo.
Habang ako ay naghahanda para sa Linggo ng Muling Pagkabuhay, tulungan Ninyo akong patahimikin ang mga ingay ng aking buhay. Ipakita sa akin ang mga hakbang na kailangan kong gawin upang ituon ang aking puso, isip, at kalooban sa Inyo lamang.
Ako’y siyasatin, alamin ang aking isip. Linisin ang aking buhay, itawag sa aking pansin ang anumang bagay na nakasasama ng Inyong loob, at gawin akong tulad Ninyo. Ituro sa akin ang landas patungo sa buhay, at punuin ako ng kagalakan sa Inyong piling.
Minamahal Kita, at nais kong ituon ang aking mga mata sa Inyo.
Sa pangalan ni Jesus, Amen.