Huminto ka at huminga nang malalim. Habang ginagawa mo ito, pagbulay-bulayan ang nakaraang taon. Ano ang ginawa ng Diyos sa iyong buhay mula noong Pasko ng Pagkabuhay 2020?
Kapag ikaw ay nasa kalagitnaan ng isang mahabang panahon, madali mong makalimutan kung ano ang ginagawa ng Diyos sa gitna ng iyong kalagayan. Iyon ang isa sa mga dahilan kung bakit napakahalaga ng pagbubulay sa Salita ng Diyos: nakakatulong ito sa atin na magdahan-dahan at alalahanin na ang Diyos ay tapat sa bawat panahon ng buhay.
Habang ika’y naghahanda para sa Linggo ng Pagkabuhay, gumugol ng ilang sandali upang pagbulay-bulayan ang katapatan ng Diyos sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bersikulo ng Araw.
Narito ang 3 mga paraan upang magawa iyon:
Kung mayroon kang 5 minuto…
Buksan ang iyong Bible App, at hanapin ang Bersikulo ng Araw. Bago ka magsimulang magbasa, hilingin sa Diyos na ipaalam Niya sa iyo ang anumang nais Niyang ipakita sa iyo. Pagkatapos, basahin nang dahan-dahan ang bersikulo, habang binibigyang pansin ang anumang mga salitang namumukod-tangi sa iyo.
Tanungin ang sarili: Ano ang inihahayag ng bersikulong ito patungkol sa katangian ng Diyos? Ano ang pangunahing punto ng talatang ito? Paano ko ito maipamumuhay sa araw-araw?
Tapusin ang sandaling ito sa pamamagitan ng paghingi sa Diyos ng tulong sa pagbubulay sa bersikulong ito sa buong maghapon.
Kung mayroon kang 15 minuto…
Kapag nabasa mo na ang Bersikulo ng Araw, i-tap ang “Paghambingin ang Mga Bersyon” at piliin ang 3-5 na mga bersyon ng Biblia na nais mong paghambingin. Basahin ang bawat bersyon at bigyang pansin ang anumang mga pagkakaiba-iba ng wika. Pahintulutan ang mga pagkakaiba na bigyan ka ng mas malawak na pag-unawa sa bersikulo.
Tanungin ang sarili: Paano ipinapahayag ng bersyon ang teksto? Ano ang natututunan ko tungkol sa Diyos sa pamamagitan ng paghahambing ng mga bersyon? Anong mga salita o parirala ang namumukod-tangi sa akin?
Isulat ang anumang ipinakita sa iyo ng Diyos, at pagkatapos ay hilingin sa Kanyang tulungan ka upang maisabuhay ang bersikulong ito.
Kung mayroon kang 30 minuto…
Gugulin ang unang limang minuto sa pag-aalaala ng anumang mga alalahanin o mga problema na umaagaw sa iyong pansin. Hilingin sa Diyos na ipakita sa iyo ang mga katotohanan sa Kanyang Salita, pagkatapos ay dahan-dahang basahin ang Bersikulo ng Araw at paghambingin ang mga bersyon.
Pagkatapos mo itong magawa, i-type ang sangguniang bersikulo sa Tuklasin upang tingnan ang mga mapagkukunang may kaugnayan dito. Pumili ng isang sanggunian na pag-aaralan bilang bahagi ng iyong pagbubulay.
Tanungin ang sarili: Anong pananaw ang ibinibigay ng sangguniang ito? Paano nito naiimpluwensiyahan o napatutunayan kung ano ang ipinapakita sa akin ng Diyos sa bersikulo ngayon? Ano ang ipinahihiwatig nito sa akin, at paano ko ito maipamumuhay?
Kapag ikaw ay natapos na, isulat ang 2-3 na bagay na iyong nakuha sa pag-aaral ng Banal na Kasulatan. (Maaari mo rin na subukan ang pamamaraan sa pag-aaral na ito.)
Kapag natapos mo na ang iyong pagbubulay-bulay, gumugol ng ilang minuto upang humiling sa Diyos na paalalahanan ka sa buong maghapon ng lahat ng iyong natutunan. Ulitin ang prosesong ito araw-araw hanggang sa Linggo ng Muling Pagkabuhay.