Ano ang nais ng Diyos na gawin mo sa iyong buhay? Marahil may ideya ka kung saan ka Niya tinawag, ngunit gusto mo ng patunay. Marahil, hindi ka sigurado kung ano ang kalooban ng Diyos… o marahil, inaalam mo pa kung ano ang hitsura ng pagkakaroon ng isang personal na relasyon sa Diyos.
Sa huli, ang tanging paraan upang malaman ang kalooban ng Diyos ay ang paggugol ng panahon upang kilalanin Siya. Sa paglapit sa Diyos mas nagiging malinaw ang Kanyang patnubay. Kaya, paano natin ito gagawin?
Walang isang tamang paraan—ngunit may mga hakbang na maaari nating gawin na makatutulong.
Narito ang 4 na hakbang upang matulungan kang tuklasin ang kalooban ng Diyos:
Hanapin ang Diyos sa pamamagitan ng Panalangin
Isipin mo ang isang pakikipag-usap sa isang malapit na kaibigan kamakailan lamang. Kung matagal mo na silang kakilala, marahil alam mo na kung ano ang kanilang gusto at di-gusto kahit hindi mo sila tinatanong dahil habang mas malapit ka sa kanila mas nauunawaan mo sila.
Ganoon din ang ating relasyon sa Diyos. Ang pagkakilala sa kalooban ng Diyos ay nagmumula sa pagkakaroon ng mga tapat na pakikipag-usap sa Kanya. Ito ang dahilan kung bakit kailangan nating ugaliin ang pakikipag-usap sa Kanya nang madalas, tungkol sa lahat ng bagay.
Ang panalangin ay hindi lamang tungkol sa pagtatanong sa Diyos kung ano ang nais Niyang gawin natin—ito ay tungkol sa pagkilala kung sino ang Diyos.
Saliksikin ang Banal na Kasulatan
Ang kalooban ng Diyos para sa iyong buhay ay hindi kailanman sasalungat sa kung ano ang nakasulat sa Banal na Kasulatan. Kaya’t habang nakikilala mo ang Diyos sa pamamagitan ng pananalangin, pag-aralang mabuti ang Kanyang Salita.
Habang lalo kang nag-aaral ng Biblia, ang iyong mga naisin ay mas lalong sumasalamin sa kalooban ng Diyos. At kapag nangyari iyon, may tiwala mong mahihiling sa Diyos ang kahit ano—at didinggin ka Niya.
Makinig sa Banal na Espiritu
Ang pakikinig sa Banal na Espiritu ay madalas na nangangailangan ng pagpapatahimik ng ingay sa iyong paligid. Kapag naialis mo na ang mga nakakagambala at naitigil ang pagpansin sa mga takot, magsisimulang mapansin mo ang mapayapang presensiya ng Diyos sa iyong kasalukuyang kalagayan.
Kaya’t sa iyong pananalangin at pagsasaliksik sa Banal na Kasulatan, hingin sa Diyos na ihayag ang anumang saloobin na kailangan mong isuko, at iba pang bagay na kailangang pagtuunan ng pansin. Hayaan ang Banal na Espiritu na gabayan ka sa prosesong ito, at ilagay ito sa iyong isip: maaari mo pa ring maranasan ang kapayapaan ng Diyos kahit ikaw ay nakadarama ng alinlangan.
Humanap ng patunay mula sa mga taong may karunungan
Ang huling pasya ukol sa kalooban ng Diyos ay manggagaling sa Diyos, ngunit nakabubuti na maghanap ng mapagkakatiwalaang payo mula sa labas.
Ito ay marapat na ginagawa kasama ng mga nakaraang hakbang. Ang paghahanap ng matalinong payo ay dapat nagpapatunay sa kung ano ang nadarama mong sinasabi na ng Diyos na gawin mo—hindi dapat nito pinapalitan ang tuwirang pakikipag-usap sa Diyos.
Magdagdag ng Mga Kaibigan sa Iyong Bible App
Pagkatapos, ano na?
Maaring hindi mo ito makuha ng tama palagi, subalit habang lalo mo sinusubukang unawain ang kalooban ng Diyos, mas lalo itong nagiging madali. Sadya kang ginawa ng Diyos, at nais Niyang kasama kang makitang dumating ang Kanyang kaharian “sa lupa gaya ng sa langit.”
Kapag ang iyong mga hangarin ay umaayon sa mga hinahangad ng Diyos, mapagkakatiwalaan ka Niya na gawin kung ano ang tama. Ang pagsunod sa mga hakbang na ito ay makakatulong sa iyo na gawin iyon, ngunit ito ay isang panghabang-buhay na pananagutan kasabay ang paghahanap mo sa Diyos araw-araw.