Pinagpala niya ang ikapitong araw at itinuring itong banal, sapagkat sa araw na ito siya nagpahinga matapos likhain ang lahat.
GENESIS 2:3
Magpahinga — magpahinglay, tumigil sandali, huminga, at magpalubay.
Kailan ang huling araw na tumigil ka, nagliwaliw, at nagpahinga? Ang pagpapahinga ay isang regalo na kadalasan nating isinasantabi.
Ang pagiging abala ay nagbibigay sa atin ng pakiramdam na tayo ay may mga natatapos, ngunit ito ay maaaring huwad lamang. Kung walang naitakda na makatwirang limitasyon, ang mga gawain ay maaring maging tulad ng narkotiko, pinapamanhid tayo sa ating pangangailang maging malapit sa Diyos: ang Tagapagbigay ng bawat mabuti at perpektong handog.
Ang paggalang at pagsunod kay Yahweh ay nagbibigay ng buhay, ang gumawa nito’y makakaranas ng kapayapaan, at ligtas sa kapahamakan.
MGA KAWIKAAN 19:23
Ang buhay na walang pahinga ay hindi tumatagal. Nakagiginhawa ang pahinga dahil binibigyan tayo nito ng lakas upang parangalan ang Diyos at ibigin ang ibang tao. Ang pagpapahinga ay isang disiplinang espiritwal na nakatutulong upang ating matamasa ang presensya ng Panginoon at muling maiayon ang ating mga prayoridad.
Pinapahimlay niya ako sa luntiang pastulan, at inaakay niya sa tahimik na batisan. Pinapanumbalik ang aking kalakasan.
MGA AWIT 23:2-3a
Narito ang 3 paraan upang maisama mo ang kapahingahan sa pang-araw-araw mong buhay:
Magsanay Maging Maalalahanin
Sa Mga Taga-Roma 12, hinihimok ni Pablo na magbagong anyo tayo sa pamamagitan ng pagbabago ng ating pag-iisip. Ang pagsasanay na maging maalalahanin ay makatutulong sa atin na muling ihanay ang ating mga puso’t isipan sa kung ano ang ginagawa ng Diyos. Saan ka mas nakakapagtuon ng iyong isipan? Sa loob ng iyong kusina habang hawak ang isang tasa ng kape? Habang tumatakbo sa labas, at nakikinig ng mga pagsambang awitin? Maghanap ng bagay na makakapagpalapit sa iyo sa Diyos, at doon ay ituon sa Kanya ang iyong isipan bago simulan ang iyong araw.
Hamon: Maglagak ng 5-10 minuto bawat araw at ilarawan ang bawat alalahanin at responsibilidad, at ibigay ang bawat isa kay Jesus sa panalangin. (Kung makatutulong sa iyo, isulat mo ang mga ito.)
Pagnilay-nilayan ang Kasulatan
Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos. Kapag binasa o pinakinggan mo ang Salita ng Diyos, at pinagnilayan mo kung ano ang sinasabi nito, matututunan mong kilalanin ang tinig ng Diyos. Ang mapakay na oras sa Biblia ay nangangailangang gawing prayoridad ang pagtuon sa sandaling si Jesus lamang ang iyong kasama.
Hamon: Magtabi ng 30 minuto sa isang araw para magbasa o makinig sa Salita ng Diyos. Sa oras na iyon, i-snooze ang iyong kalendaryo at mga abiso. Sumubok ng isang Gabay, gumawa ng mga tala, at isulat sa isang talaarawan ang iyong mga saloobin. Hayaang mangusap ang Diyos sa iyo.
Makisama sa Pamayanan
Ang pagiging malapit sa Diyos ay hindi nangangahulugang babalewalain mo na ang ibang tao. Sa katunayan, minsan ito ay nangangahulugang magbigay ng puwang para sa kanila. Ang pagpapahinga ang perpektong panahon na ipagdiwang ang buhay kasama ang mga taong mahal mo. Hindi tayo ginawa upang mabuhay ng mag-isa. Kailangan natin ang isa’t isa.
Hamon: Maglaan ng kahit ilang oras bawat linggo kasama ang mga taong mahal mo. Huwag magtakda ng adyenda. Pumunta lamang at magsaya kasama ang isa’t isa. Pagkatapos, isulat kung anuman ang ipinakita ng Diyos sa panahong kayo’y sama-sama.
Ang mga ito ay ilang mga mungkahi upang tulungan kang magsimulang maging mas malapit sa Diyos sa iyong pang-araw-araw na buhay. Tumuklas ng mas marami pang pamamaraan upang maranasan ang pamamahinga sa pamamagitan ng isa sa mga Gabay sa ibaba.
Magbasa ng mga Gabay tungkol sa Pahinga
Ibahagi sa Facebook
Ibahagi sa pamamagitan ng Email