Ano ang hitsura ng espirituwal na paglago?
Ang malulusog na relasyon ay nangangailangan ng pagsisikap, mabubuting kaugalian, at panahon para sa pagsasama. Kung kaya’t nasasangkot sa pagiging ganap sa espiritu ang paglapit sa Diyos araw-araw.
Nasa ibaba ang limang mga panalangin na nakatuon sa iba’t-ibang mga landas patungo sa pagiging malapit sa Diyos. Habang binabasa ang mga ito, pumili ng isang aspeto kung saan ka magtutuon ng pansin ngayong linggong ito, at hayaang baguhin ka ng Diyos sa pamamagitan ng pagbabago ng paraan ng iyong pag-iisip.
Isang Panalangin para Mamuhay nang Bukas-palad
O, Diyos,
Kung wala Kayo, wala akong anuman. Ang bawat mabuti at perpektong kaloob ay nagmumula sa Inyo—ngunit kung minsan, tinitingnan ko ang mga kaloob na ibinigay Ninyo sa akin bilang isang bagay na nararapat lamang sa akin. Minsan natutukso akong itago ang aking kayamanan, oras, at mga mapagkukunan sa halip na ibahagi ang mga ito sa iba. Sa huli, alam kong ako ay pinagpala upang maging isang pagpapala—kaya’t mangyaring tulungan akong mahusay na pangasiwaan ang mga kaloob na ipinagkatiwala Ninyo sa akin. Gawin akong isang taong nabubuhay—at nagbibigay—nang bukas-palad.
Sa ngalan ni Jesus,
Amen.
I-save ang Panalangin
Isang Panalangin para sa Kapahingahan
O, Diyos,
Sa isang mundo na niluluwalhati ang pagiging abala, napakadaling punan ang aking oras ng mga bagay na hindi mahalaga. Kung hindi ako mag-iingat, mamamanhid ako o mapupundi dahil hindi ako lumilikha ng sapat na puwang upang makapagpahinga sa Inyong presensya araw-araw. Kailangan ko na mabago Ninyo ang paraan ng aking pag-iisip at pamumuhay. Kailangan ko na matulungan Ninyo na makagawa ng puwang para sa pamamahinga. Tulungan Ninyo akong lumapit sa Inyo araw-araw—nais ko lamang na makasama Kayo.
Sa ngalan ni Jesus,
Amen.
I-save ang Panalangin
Isang Panalangin para sa Pagbabasa ng Salita ng Diyos
O Diyos,
Salamat sa pagpapakita sa akin ng mga landas na patungo sa buhay. Lubos akong nagpapasalamat na maaari kong maranasan ang kagalakan sa Inyong presensya magpakailanman! Tulungan Ninyo akong mamuhay gaya ng nararapat sa mga tinawag Ninyo sa pamamagitan ng paggugol ng oras sa Inyong Banal na Salita. Hindi ko kailanman nais na makaligtaan na ang pagtatamo ng Banal na Kasulatan ay isang kaloob. Kaya’t mangyaring gawin akong sabik na basahin ang Inyong mga Salita. Ipakita ang Inyong kalooban sa akin habang gumugugol ako ng oras sa Inyong presensya. Turuan Ninyo ako ng Inyong Salita, na siyang katotohanan.
Sa ngalan ni Jesus,
Amen.
I-save ang Panalangin
Isang Panalangin para sa Paglilingkod
O Diyos,
Napakabait Ninyo sa akin. At nang isuko Ninyo ang Inyong Bugtong na Anak upang iligtas ako, binigyan Ninyo ako ng isang halimbawa ng mapagpakumbabang pagsunod. Salamat sa pagpapakita sa akin kung paano dapat maging tagapaglingkod na namumuno. Sa halip na gawin ang sarili kong kaparaanan, tulungan akong hanapin ang Inyo. Nais kong paglingkuran Kayo sa pamamagitan ng paglilingkod sa iba. Kaya’t baguhin Ninyo ang aking puso at tulungan akong mahalin ang iba nang totoo. Hubugin Ninyo ako sa isang taong itinuturing na higit ang iba kaysa sa aking sarili.
Sa ngalan ni Jesus,
Amen.
I-save ang Panalangin
Isang Panalangin para sa Pakikipag-usap sa Diyos
O, Diyos,
Minsan parang wala akong mga salitang dapat na ipanalangin. Hindi ko palaging alam kung ano ang sasabihin sa Inyo. Ano ang sasabihin ko sa isang perpekto sa lahat ng paraan? Mangyaring tulungan akong alalahanin na nais Ninyong makinig sa akin. Bigyan Ninyo ako ng kumpiyansa na sabihin ang nilalaman ng puso ko sa Inyo, ngunit tulungan Ninyo akong gawin ito nang may paggalang. At mangyaring hayaan ang mga matatapat na pag-uusap ay humantong sa aking mas malalim na pagkatakot, pagkamangha, at pagmamahal para sa Inyo. Ipakita sa akin kung paano makipag-usap sa Inyo, at pagkatapos ay gawin akong sabik na gawin ito nang palagian.
Sa ngalan ni Jesus,
Amen.
I-save ang Panalangin