Ano ang ibig sabihin ng pagiging isang Cristiano?

Taong nagdadasal sa harap ng isang lawa

Ngayong nagpasya kang sumunod kay Jesus … ano na ang susunod?

Lahat tayo ay may palagay kung paano ang pagsunod kay Jesus. Ngunit kung tayo ay magiging totoo sa ating mga sarili, ang ating mga pananaw ay madalas na naiimpluwensyahan ng ating mga pamantayan sa kultura, ng ating politika, ng ating pinagmulan, at kung ano ang kasalukuyang nangyayari sa paligid natin. Kung aalisin natin ang mga impluwensya sa labas, ano ba talaga ang magiging hitsura ng isang tagasunod ni Jesus?

Magbabago ang mga kultura at magbabago ang mga pamantayan, ngunit palaging ihahayag ng Salita ng Diyos kung ano ang ibig sabihin ng pagiging isang Cristiano.

Ngayon, ating suriin ang tatlong mga talata sa Biblia na makatutulong sa atin na maunawaan kung paano sumunod kay Jesus. Ang mga hakbang na ito ay hindi talagang isang kumpletong listahan, ngunit magbibigay ang mga ito ng isang pangkalahatang ideya ng kung ano ang ibig sabihin ng mamuhay tulad ni Jesus araw-araw.

Mahalin ang Diyos

“Guro, alin po ang pinakamahalagang utos sa Kautusan?” Sumagot si Jesus, “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong pag-iisip. Ito ang pinakamahalagang utos. Ito naman ang pangalawa: Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili. Sa dalawang utos na ito nakasalalay ang buong Kautusan ni Moises at ang katuruan ng mga propeta.”

MATEO 22:36-40

Ang talatang ito ay madalas na tinatawag na “Ang Pinakamahalagang Utos” dahil sa pamamagitan nito, malinaw na naibuod ni Jesus ang buong Batas sa Lumang Tipan. At lubusang naipakita ni Jesus ang utos na ito nang ibigay Niya ang Kanyang buhay para sa atin.

Ngunit bago tayo magpatuloy, mahalagang tandaan na ang utos na ito ay naglalaman ng tatlong bahagi: pagmamahal sa Diyos, pagmamahal sa iba, at pagmamahal sa iyong sarili. Ang mga pagkilos na ito ay magkakaugnay, at posible lamang kung hahayaan muna nating mahalin tayo ng Diyos. Kapag tinanggap natin ang pag-ibig ng Diyos sa atin, maaari na rin natin Siyang mahalin at hayaan Siyang baguhin ang pananaw natin sa ating mga sarili. At kapag natutunan nating makita ang ating sarili sa pananaw ng pag-ibig ng Diyos, nagsisimulang mahalin natin ang iba tulad ng pag-ibig sa atin ng Diyos. Kaya, kung nais nating sundin ang utos na ito, kailangan nating sundin ang halimbawa ni Jesus, at hanapin ang Diyos tulad ng ginawa ni Jesus:

Si Jesus ay sadyang gumugol ng panahong mapag-isa kasama ang Kanyang Ama, Siya ay nakikipag-usap sa Diyos palagi, at inuna Niya ang kalooban ng Diyos bago ang Kanyang sariling kagustuhan.

Para sa atin, ito ay maaaring paglalaan ng isang tukoy na oras bawat araw sa pag-aaral ng Salita ng Diyos at sa panalangin. Maaari nating dalhin ang lahat sa ating Ama sa langit. Maaari nating ibahagi ang ating mga damdamin sa Kanya, hilingin sa Kanya na mamagitan sa ating kalagayan, at ipagdiwang pa ang ating mga tagumpay kasama Siya. Maaari rin nating hilingin sa Kanya na ipakita sa atin kung paano tayo makakatulong na maihatid ang Kanyang kaharian sa mundo. Sa Diyos, walang hindi pwede — Nais niyang magkaroon ng oras kasama tayo.

Kapag inuuna natin ang pagkakaroon ng oras kasama Siya, mauunawaan natin kung sino Siya at kung ano ang nais Niya para sa atin. Binabago nito ang paraan kung paano natin mahalin ang ating sarili at ang ating kapwa.

At ang isa sa mga pinakamadaling paraan upang matutuhan kung paano magmahal ng iba ay suriin kung ano ang pag-ibig.


Mahalin ang kapwa

Ang pag-ibig ay matiyaga at magandang-loob, hindi maiinggitin, hindi mayabang ni mapagmataas man, hindi magaspang ang pag-uugali, hindi makasarili, hindi magagalitin, o mapagtanim sa kapwa. Hindi niya ikinatutuwa ang gawaing masama, ngunit ikinagagalak ang katotohanan. Ang pag-ibig ay mapagpatawad, mapagtiwala, puno ng pag-asa, at mapagtiis hanggang wakas. Matatapos ang kakayahang magpahayag ng salita ng Diyos, titigil rin ang kakayahang magsalita sa iba’t ibang mga wika, mawawala ang kaalaman, ngunit ang pag-ibig ay walang hanggan.

1 MGA TAGA-CORINTO 13:4-8

Ang talatang ito ay isang tanyag na kahulugan ng pag-ibig, ngunit tinutukoy din nito ang Diyos dahil ang Diyos ay pag-ibig. Kaya, kapag iniisip natin kung ang ating buhay ay umaayon sa katangian ng Diyos, maaari nating gamitin ang talatang ito upang masukat ang ating mga kilos:

Dahil ang Diyos ay matiyaga sa atin, matiyaga ba tayo? Dahil pinatawad tayo ng Diyos, pinapatawad ba natin ang iba? Dahil hindi naniningil ang Diyos sa ating mga pagkakamali, hindi ba tayo nagkikimkim ng mga sama ng loob?

Hindi ito nangangahulugang palagi natin itong magagawa, ngunit ang pagtatanong sa ating mga sarili ng mga katanungang ito ay makakatulong sa atin upang matukoy kung tayo ay napapalapit o napapalayo sa Diyos.

Kung ang ating mga saloobin ay patuloy na mapagmalaki, kung ang ating mga salita ay patuloy na nakasasakit, kung ang ating mga aksyon ay patuloy na makasarili, malamang na hindi natin sinusunod ang utos ni Jesus na ibigin ang Diyos at ang ating kapwa. At kung hindi natin ito ginagawa, maaari tayong na kay Jesus—ngunit hindi ito nangangahulugang sumusunod kay Jesus.

Sa kabutihang palad, kapag tayo ay mas naglalaan ng oras kasama ni Jesus, mas magiging katulad Niya ang mga kilos natin.


Gumawa ng mga Alagad

“Ibinigay na sa akin ang lahat ng kapangyarihan sa langit at sa lupa. Kaya’t habang kayo’y humahayo, gawin ninyong alagad ko ang mga tao sa lahat ng bansa. Bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. Turuan ninyo silang sumunod sa lahat ng iniutos ko sa inyo. Tandaan ninyo, ako’y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng panahon.”

MATEO 28:18-20

Habang si Jesus ay umaakyat sa langit, sinabi Niya sa Kanyang mga tagasunod na gawing alagad ang iba. Ang orihinal na salitang Griyego na isinalin bilang “gumawa ng mga alagad” ay matheteuo, na nangangahulugang “sanayin.”

Hindi sinasabi ni Jesus, “humayo at pilitin ang mga tao na maging mga alagad.” Sinasabi Niya, “habang ikaw ay namumuhay, sanayin at turuan ninyo ang mga tao na sundin Ako, tulad ng itinuro Ko sa inyo na sundin Ako.”

Maaari itong pakikipagkaibigan sa barista na gumagawa ng iyong kape. Maaaring mangahulugan ito ng pagbili ng pagkain para sa isang tao upang ipaalam sa kanya na siya ay mahalaga. O di kaya’y, maaari itong pag-aalaga sa iyong mga anak at pakikitungo sa kanila nang may pag-ibig at pagmamahal.

Sinumang inilalagay ng Diyos sa harap mo, ipakita sa kanila kung ano ang ibig sabihin ng pagsunod kay Jesus. At sa bawat sitwasyon, hayaang maimpluwensyahan ang iyong mga kilos ng iyong pag-ibig sa Diyos at sa kapwa.

Alin sa mga hakbang na ito ang kailangan mong pagtuunan sa linggong ito? Pumili ng isa, at hilingin sa Diyos na ipakita sa iyo kung paano ito isasagawa sa iyong pang-araw-araw na buhay.

FacebookIbahagi sa Facebook

TwitterIbahagi sa Twitter

EmailIbahagi sa pamamagitan ng Email

Ang post na ito ay makikita rin sa: Ingles Afrikaans Indonesian Aleman Espanyol Pranses Italyano Dutch Portuguese Romanian Russian Hapon Chinese (Simplified) Chinese (Traditional) Korean Polish Vietnamese