Isang Panalangin para sa Pagpatnubay

Ano ang gumagabay sa iyo?

Isipin ang tungkol sa isang pasya na nagawa mo kamakailan. Marahil ay pumipili ka ng susuitin para sa araw na iyon. Marahil ay pinag-iisipan mo kung tatanggapin o hindi ang isang bagong trabaho. O marahil ito ay simpleng pagpapasya lamang na sabihin ang “hello” sa isang taong hindi mo gaanong kilala. Ang isang karaniwang tao ay gumagawa ng libu-libong mga desisyon sa bawat araw.

Bagama’t ang ating mga pinagpipilian ay hindi nagtataglay ng pantay na kahalagahan, ang bawat pagpili na ginagawa natin ay nag-aambag sa direksyon na tinutungo ng ating mga buhay. Ang magandang balita ay—hindi natin kailangang magpasya nang mag-isa.

Ang Banal na Espiritu ng Diyos ay kasama ng sinumang naniniwala kay Jesus, na nagbibigay ng kapangyarihan na mamuhay sa paraang nagbibigay ng karangalan sa Kanya. Kaya ngayon, pag-isipan ang isang desisyon na kailangan mong gawin, at kung handa ka na, hilingin sa Banal na Espiritu na gabayan ka.


Isang Panalangin para sa Pagpatnubay

Banal na Espiritu,

Alam Ninyo ang saloobin ng aking puso. Nauunawaan Ninyo ang pinakamalalim na kagustuhan at pangangailangan ko, at alam Ninyo ang aking bawat hangarin. Mas kilala Ninyo ako kaysa sa aking sarili. Walang akong matatakbuhan upang makatakas sa Inyong presensya, at wala akong maitatago sa Inyo!

Kung kaya’t, sa sandaling ito, ako ay humihiling sa Inyo na bigyan ako ng banal na karunungan at gabay.

Hindi ko palaging alam kung ano ang dapat na ipagdasal. Nanlulupaypay ang aking kaluluwa at pagod na ako. Madalas akong mag-alala tungkol sa paggawa ng tamang desisyon—ngunit nais kong mamuhay na nagbibigay karangalan sa Inyo.

Kahit na pakiramdam ko na hindi ako makaabante o hindi makita kung ano ang nasa hinaharap— nakikita Ninyo ako. At kilala Ninyo ako. Kaya pakiusap ko na gabayan Ninyo ako. Ipakita Ninyo sa akin ang mga landas na patungo sa masaganang buhay, at sawayin ako kapag natutukso akong lumayo sa Inyo.

Habang ginagabayan Ninyo ako, panumbalikin ako. Ilalagay ko ang aking pag-asa sa Inyo sa lahat ng oras dahil alam Ninyo ang lahat ng mga bagay, at sa Inyo, ang aking buhay ay buo. Ikaw ang aking lakas sa mga oras ng pangangailangan, at Ikaw ang aking naging kaligtasan.

Kaya’t yakapin ako, Panginoon, at turuan akong lumakad sa paraang karapat-dapat sa pagkatawag na ibinigay Ninyo sa akin. Ituwid ang aking mga hakbang habang binabantayan Ninyo ang aking buhay, dahil nais kong luwalhatiin Kayo.

Sa ngalan ni Jesus,

Amen.

I-save ang Panalanging Ito

Ang post na ito ay makikita rin sa: Ingles Afrikaans Indonesian Aleman Espanyol Pranses Italyano Dutch Portuguese Romanian Russian Hapon Chinese (Simplified) Chinese (Traditional) Korean Polish Vietnamese