Ngayong taon, marami sa atin ang kailangang makibagay sa isang “bagong normal” na hindi normal ang pakiramdam. Ang mga biglaang pagsasaayos ng buhay na tulad nito ay maaaring negatibong makaapekto sa kalusugan ng kaisipan at humantong sa talamak na pagkapagod at pagkaubos ng lakas.
Ngunit, sa gitna ng mga ito, tinatawag pa rin tayo ng Diyos upang lumapit sa Kanya, na nangangakong bibigyan tayo ng kapahingahan. Ang isang paraan na mas mapapalapit tayo sa Diyos ay sa pamamagitan ng paggugol ng oras sa Kanyang Salita, ngunit paano mo magagawang isang pang-araw-araw na ugali ang paggugol ng oras na kasama ang Diyos? At pagkatapos, paano mawawala ang agwat sa pagitan ng kaalaman sa Banal na Kasulatan at sa pamumuhay nito araw-araw?
Narito ang 5 tuluy-tuloy na mga hakbang na makakatulong sa iyo na huminto nang sandali, magpahinga, at mag-aral ng Biblia araw-araw—kahit nahihirapan ka na.
Ihanda ang iyong puso
Simulan ang iyong tahimik na oras sa pamamagitan ng pagbasa sa Mga Awit na ito, at pagkatapos ay isulat ang iyong mga alalahanin at pangamba. Isipin ang paglalagay ng lahat ng bagay na nakikipagkumpitensya para sa iyong pansin sa isang kahon, pagkatapos ay ibigay ang kahong iyon sa Diyos. (Maaaring kailanganin mong ulitin ang prosesong ito nang maraming beses bago ka makaramdam na handa kang magpatuloy sa susunod na hakbang.)
Hilingin sa Diyos na Magsalita sa Iyo
Bago ka bumulusok sa iyong pang-araw-araw na pag-aaral sa Biblia, hilingin mo sa Diyos na tulungan kang maunawaan ang Kanyang Salita, at kung paano mo mailalapat nang tama ang Banal na Kasulatan sa iyong buhay. Ipinangako Niyang bibigyan Niya tayo ng Kanyang karunungan kapag hiniling natin ito.
Isang Panalangin para sa Karunungan:
O Diyos ko, patahimikin Mo ang aking isip upang marinig Kita nang malinaw. Nais kong maranasan ang Iyong karunungan habang pinag-aaralan ko ang talatang ito, upang makita ko ang biblikal na katotohanan dito at magamit ito sa aking buhay. Mangyaring tulungan Mo akong malinaw na makita Kang kumikilos sa Iyong Salita. Amen.
I-save ang Panalanging ito sa iyong Bible App
Himayin ang taludtod
Kailan naisulat ang taludtod? Sino ang nilalayong makabasa nito? Ano ang pangunahing tema nito? May mga inuulit na salita o parirala ba dito (kung oo, bakit)? Ano ang ipinakikita sa iyo ng taludtod na ito patungkol sa katangian ng Diyos?
Sa pagsisimula mo ng iyong pag-aaral sa Biblia, basahin ang taludtod nang ilang beses, at sa bawat pag-uulit ay sagutin ang magkakaibang tanong. Pagtuunan ng pansin ang anumang parirala o kaisipang patuloy na napapansin mo.
Gumawa ng Buod para sa Banal na Kasulatan
Anong pahiwatig ang dumarating sa iyo habang nagbabasa ka? Gumugol ng ilang minuto upang hilingin sa Diyos na ipakita sa iyo ang mga katotohanan sa Kanyang Salita, at pagkatapos ay isulat ang 1-3 mga mahahalagang nakuha mo mula sa taludtod. Makakatulong ito sa iyong maproseso at masundan ang mga pananaw na ipinapakita sa iyo ng Diyos.
Ipamuhay ang Natutunan
Kung gusto mong maging mas malakas ang iyong pananampalataya, hindi sapat na pag-aralan lang ang Salita ng Diyos—kailangan ding ipamuhay mo ito.
Magsulat ng 2-3 pamamaraan kung paano mong nais na mailapat ang Banal na Kasulatan na napag-aralan mo, at pagkatapos ay palagiang suriin ang iyong pagpapatuloy. Maaari mo ring gawin ang iyong mga layunin na Panalangin sa iyong Bible App, at maglagay ng mga paalala upang maipanalangin ang mga ito!
Kapag natapos mo na ang iyong pag-aaral sa Biblia, gumugol ng ilang minuto para sa tahimik na pagninilay, at hilingin sa Diyos na ipaalala sa iyo sa buong araw ang lahat ng iyong natutunan.
Kahit napapaligiran tayo ng kawalan ng katiyakan, ang pagpiling gumugol ng oras kasama ang Diyos araw-araw ay makakatulong sa ating makita ang mga problema at mga sakit mula sa Kanyang walang hanggang pananaw. At sa proseso, makakatagpo tayo ng kapahingahan para sa ating mga kaluluwa at panibagong pag-asa para sa ating mga buhay.
Ibahagi sa pamamagitan ng Email
Ang post na ito ay makikita rin sa: Ingles Afrikaans Indonesian Aleman Espanyol Pranses Italyano Dutch Portuguese Romanian Russian Hapon Chinese (Simplified) Chinese (Traditional) Korean