Mga Bersikulo ng Bibliya ng Pasko

Mga Bersikulo ng Bibliya ng Pasko

Sinabi ni Yahweh, “Ngunit ikaw, Bethlehem Efrata, bagama’t pinakamaliit ka sa mga angkan ng Juda ay magmumula sa iyong angkan ang isang mamumuno sa Israel. Ang kanyang pinagmulan ay buhat pa noong una, noong unang panahon pa.”

Mikas 5:2

Dahil dito si Yahweh mismo ang magbibigay sa inyo ng palatandaan: Maglilihi ang isang dalaga at magsisilang ng isang sanggol na lalaki at tatawagin sa pangalang Emmanuel.

Isaias 7:14

Ngunit habang pinag-iisipan ito ni Jose, nagpakita sa kanya sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon. Sinabi nito sa kanya, “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na pakasalan si Maria, sapagkat ang sanggol na dinadala niya ay mula sa Espiritu Santo. Magsisilang siya ng isang batang lalaki at Jesus ang ipapangalan mo sa sanggol sapagkat ililigtas niya ang kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan.”

Mateo 1:20-21

Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, kaya’t ibinigay niya ang kanyang kaisa-isang Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.

Juan 3:16

Sapagkat isinilang ang isang sanggol na lalaki para sa atin. Ibibigay sa kanya ang pamamahala; at siya ay tatawaging Kahanga-hangang Tagapayo, Makapangyarihang Diyos, Walang Hanggang Ama, Prinsipe ng Kapayapaan.

Isaias 9:6

Ang Salita ay naging tao at nanirahan sa piling namin. Nakita namin ang kaluwalhatiang tunay na kanya bilang kaisa-isang Anak ng Ama. Siya ay puspos ng kagandahang-loob at ng katotohanan.

Juan 1:14

Ngunit nang sumapit ang takdang panahon, isinugo ng Diyos ang kanyang Anak. Isinilang siya ng isang babae at namuhay sa ilalim ng Kautusan upang palayain ang mga nasa ilalim ng Kautusan. Sa gayon, tayo’y maibibilang sa mga anak ng Diyos.

Mga Taga-Galacia 4:4-5

Ngunit sinabi sa kanila ng anghel, “Huwag kayong matakot! Ako’y may dalang magandang balita para sa inyo na magdudulot ng malaking kagalakan sa lahat ng tao. Isinilang ngayon sa bayan ni David ang inyong Tagapagligtas, ang Cristong Panginoon.

Lucas 2:10-11

Bigla nilang nakitang kasama ng anghel ang isang malaking hukbo ng mga anghel sa kalangitan. Sila’y nagpupuri sa Diyos at umaawit, “Papuri sa Diyos sa kaitaasan, at sa lupa ay kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya!”

Lucas 2:13-14

Pagkarinig sa bilin ng hari, sila’y nagpatuloy na sa paghahanap; sila’y pinangunahan ng bituing nakita nila mula sa silangan. Ganoon na lamang ang kanilang kagalakan nang makita nilang tumigil ang bituin sa tapat ng kinaroroonan ng bata. Pagpasok sa bahay, nakita nila ang bata sa piling ni Maria na kanyang ina. Nagpatirapa sila at sinamba ang bata. Inihandog din nila sa kanya ang mga dala nilang ginto, insenso at mira. Nang sila’y papauwi na, nakatanggap sila ng babala sa pamamagitan ng panaginip na huwag nang bumalik kay Herodes, kaya’t nag-iba na sila ng daan pauwi.

Mateo 2:9-10-12

CategoriesUncategorized